Roque, hinikayat ang mga nurses na lumahok sa emergency hiring program ng DOH

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Hinikayat ng Malacañang noong Agosto 24 ang mga nurses na naapektuhan ng deployment ban na kunin ang inaalok na oportunidad para makatulong sa Covid-19 patients sa bansa, dahil makatutulong umano sa paghahanap ng trabaho kung alisin na ang deployment ban kung lalahok ang mga ito sa emergency hiring program ng Department of Health (DOH).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mabibigyan ng advantage sa foreign employers ang mga nurses na may karanasan sa paghawak ng mga Covid-19 patients.

Aniya, “Sa tingin ko po kung kayo ay mag-apply dito sa emergency recruitment ng ating gobyerno at nagtrabaho po habang may Covid, naku, pag-aagawan po kayo lalo pag natapos po itong pandemic na ito.” 

Subalit, nilinaw ni Roque na kinakailangan muna ng taun-taong experience sa pagtatrabaho bilang nurse sa bansa bago makapaghanapbuhay abroad.

“With your clinical experience at the time of Covid, you will become the subject of headhunters. So konting tiyaga lang po but take advantage of the opportunity na rin po to prove your worth in the Philippines as clinical nurses,” dagdag pa ni Roque.

Umapela naman ang tagapagsalita ng pangulo sa nurses na unawiin ang nais ng pamahalaan sa pagtitiyak ng kanilang kaligtasan kaya’t nagpatupad ng deployment ban.

“Ang unang konsiderasyon po ng ating Presidente ay pangalagaan po ang kalusugan ng ating mga health workers dahil ang pupuntahan po nila ay mas malala pong kaso ng Covid-19,” ani Roque.

Dapat umanong ikonsidera ng mga healthcare workers ang kanilang tungkulin na pagsilbihan muna ang kapwa Pilipino.

“Charity begins at home. Meron naman po tayong mga bakanteng posisyon. Dito po muna sana tayo magtrabaho,” giit ni Roque.

Noong nakaraang linggo, umapela si Roque sa diwa ng nasyonalismo upang kumbinsihin ang mga nurses na manatili sa bansa habang kinakaharap nito ang laban kontra Covid-19.

Aniya, “Sa tingin ko po, sa panahon ng pandemiya, mananaig naman po ang nasyonalismo sa puso at damdamin ng ating mga nurses.”

Sinabi rin nitong nagbibigay na umano ang gobyerno sa healthcare workers ng karagdagang mga benepisyo katulad ng risk allowance, P15,000 para sa mga nahawa ng Covid-19, life insurance, libreng accommodation at transportation, at libreng regular na testing.

Inilabas ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang Resolution 09 kamakailan, na layong pansamantalang suspendihin ang deployment ng lahat ng healthcare workers hangga’t alisin ang national state of emergency.

Gayunpaman, maaari namang makaalis ang mga healthcare workers ng bansa kung may perfected at signed overseas employment contract na ang mga ito bago o sa Marso 8.

LATEST

LATEST

TRENDING