Kamara, binigyan ng 25-year franchise ang ikatlong telco ng bansa na DITO

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Inaprubahan ng Kamara noong Agosto 24 sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pag-renew sa prangkisa ng Mislatel consortium, na ngayon ay DITO Telecommunity Corp., para sa panibagong 25 na taon. Ang DITO ay pinangungunahan ng negosyanteng si Dennis Uy.

Sa botong 240-7 na walang abstention, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang House Bill 7332, na layong bigyan ng 25-year franchise ang DITO, bilang ikatlong major telecommunication player ng bansa, para magtayo, magpatakbo, at magmintena ng wired at/o wireless telecommunications systems.

Ipinagbabawal ng bill sa franchise holder na parentahan, ilipat, ibenta o i-assign ang franchise, rights, o privileges o ang controlling interest nito nang walang pahintulot ng Kongreso.

Dapat ding sundin ng grantee ang ethics ng honest enterprise, magsagawa ng dekalidad na operasyon, at palawigin ang serbisyo nito alinsunod sa Free Mobile Disaster Alerts Act.

Noong Hulyo 8, 2019, ginawaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ng permit ang Mislatel Consortium, na ngayon ay Dito Telecommunity, upang makapagsagawa ng operasyon bilang ikatlong telco provider ng Pilipinas.

Ang Dito Telecommunity ay binubuo ng Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corp., Udenna Corp, at China Telecom.

Ito ay ginawaran ng status na New Major Player sa telecommunications industry ng National Telecommunications Commission noong Nobyembre 19, 2018.

Ang prangkisa ng Mislatel ay pinuna noong 1998 matapos itong hindi nakapagsagawa ng operasyon sa loob ng isang taon, subalit hinayaan din ito ng mga mambabatas dahil sa pangangailangan ng ikatlong player sa telecommunications industry.

Layon naman ng DITO na umpisahan ang commercial operations nito sa Marso 2021.

LATEST

LATEST

TRENDING