Health workers, hindi ikinatuwa ang apela ni Duque para sa ‘patriyotismo’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DOH Secretary Francisco Duque
Kuha ni: Edwin Bacasmas (Inquirer)

Hindi nagustuhan ng ilang health workers ang pag-apela ni Health Secretary Francisco Duque III na maging makabayan at tumulong sa patuloy na paglaban sa Covid-19 pandemic.

Hindi aniya makatarungan ang ipinahayag ni Duque, ayon sa grupong Filipino Nurses United (FNU) at Alliance of Health Workers (AHW).

“Napakasakit po na marinig ang ganun na parang kami ay hindi nationalist o patriotic sa panahon ng pandemya,” giit ni FNU Secretary General Jocelyn Andamo.

Dagdag pa niya, “Marami pong nurses na naglingkod nang maraming taon nang walang sahod o hindi kaya hindi makataong sahod na halos hindi po nila masuportahan ‘yong pamilya nila.”

Ayon naman kay AHW National President Robert Mendoza, “Bago pa man dumating ang COVID-19 ay matagal nang nagsisilbi ang ating mga health workers alang-alang sa sinumpaang tungkulin.”

Unang umapela si Duque sa medical frontliners na makipagtulungan sa laban ng bansa kontra Covid-19.

Aniya, “I appeal to the sense of nationalism and patriotism of every (Umaapela ako sa diwa ng nasyonalismo at patriyotismo ng bawat) healthcare worker. Nasa giyera po tayo, magkaisa po tayo, magtulungan po tayo.”

Dagdag pa ni Duque, sa 1,000 health workers na umuwi ng bansa, 25 lamang umano ang nagsabing handa silang maglingkod para sa bayan.

Nilinaw ng mga grupo na ang plano ng pamahalaan para sa massive hiring ng health workers, ay hindi umano makabubuhay ng pamilya dahil posibleng wala na silang hanapbuhay sa paglipas ng tatlong buwan, dahil contract of service ang iniaalok ng gobyerno.

Idiniin din ni Andamo na hindi solusyon ang deployment ban sa kakulangan sa staffing.

Giit niya, “Hinihikayat po namin talaga ang mga nurses na hindi umalis ng bansa pero karapatan rin po nila na maghanap ng mas mabuting buhay kung ‘yon po ay hindi nabibigay sa atin ng pamahalaan.”

Dismayado naman si Mendoza sa binanggit ni Duque na “blessing in disguise” ang Covid-19 dahil pinabilis nito ang pag-iimplementa ng universal health care (UHC) law.

“Hindi ito talaga ito tama na sinasabi niyang blessing in disguise. Una, wala ang gusto na magkaroon ng Covid-19. Marami ang napatay, nagutom, at nawalan ng trabaho,” pagbibigay diin ni Mendoza.

Nais lamang ng mga health workers na dinggin ng pamahalaan ang kanilang panawagan tungkol sa kanilang trabaho, sapat na suweldo, at pag-alis sa deployment ban.

LATEST

LATEST