437 local officials at sibilyang kasabwat, nahaharap sa kaso dahil sa maanomalyang SAP distribution

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Walter Bollozos (The Philippine STAR)

Aabot sa kabuuang 437 local officials kasama ang kanilang mga kasabwat na sibilyan ang nahaharap sa mga kasong kriminal dahil sa mga umano’y pagkakasangkot sa mga maanomalyang distribusyon ng ayudang pinansyal galing sa pamahalaan, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Agosto 23.

Sa bilang na ito, 203 ang mga halal na opisyal na kinabibilangan ng isang mayor, mga konsehal, at mga barangay officials; 102 ay city at barangay personnel at iba pang lokal na opisyal; at 132 naman ay mga kasabwat na sibilyan.

Ang mga ito ay nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Bayanihan Act, at Law on Reporting of Communicable Diseases, at iba pa, dagdag ng DILG.

Ang pinakamataas na bilang ng mga inihaing kaso ay nasa Region 12 sa 50, na sinundan naman ng 40 cases sa Western Visayas, at 33 sa Central Visayas.

336 cases naman ang inimbestigahan ng PNP, kung saan 240 na ang inihain sa Prosecutors Office, tatlo ang para sa filing, anim na ie-endorse sa ibang ahensya, 46 na nasa ilalim ng case build-up, at 41 na ibinasura dahil sa kawalan ng probable cause o sapat na ebidensiya.
 
“Sobrang nakakadismaya na nagawa pa nilang mangurakot sa ayudang nakalaan para sa sa ating mga kababayan na lubhang apektado ng pandemya,” ani DILG Interior Secretary Eduardo Año.

Dagdag pa ng kalihim, “Habang patuloy ang pangalawang yugto ng pamimigay ng SAP, puspusan naman ang ating pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwaling mga opisyal at ng kanilang mga kasabwat.”

Ayon sa DILG, 626 pang mga kaso ang iniimbestigahan para sa mga anomalya hinggil sa distribusyon ng SAP funds.

Inilunsad ng pamahalaan ang SAP habang malaking bahagi ng bansa ang isinailalim sa community quarantine, para higpitan ang paggalaw ng tao na nakaapekto sa kanilang hanapabuhay.

Ang mga benepisyaryo ay binigyan ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda, depende sa itinakdang wage level ng kani-kanilang mga rehiyon.

LATEST

LATEST