China, itinuring na ‘illegal provocation’ ang inihaing diplomatic protest ng PH

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping ng China
Kuha ni: Thomas Peter (Reuters)

Inakusahan ng China ang Pilipinas na gumagawa ng “illegal provocations” tungkol sa sigalot sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng paglalabas ng pahayag hinggil sa inihaing diplomatic protest ng Pilipinas.

Kinundena ng Department of Foreign Affairs ang pagsasagawa ng radio challenges ng China sa mga sasakyang panghimpapawid na nagdaraos ng regular maritime patrols sa West Philippine Sea – isang bahagi ng South China Sea na inaangkin ng Pilipinas. Isa ito sa dalawang isyung inilatag ng bansa sa diplomatic protest nito noong Agosto 20.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian, pinanghihimasukanng Pilipinas ang soberanya at seguridad ng China sa pamamagitan ng pagpapadala ng military aircraft para magpatrolya sa Spratlys.

China urges the Philippine side to immediately stop illegal provocations (Hinhikayat ng China ang Pilipinas na agarang ihinto ang mga iligal na probokasyon),” ani Zhao.

Ipinagtanggol din nito ang ginawang pagkumpiska ng Chinese Coast Guard sa fish aggregating devices o payaos ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough, isang shoal na nasa kanluran ng Zambales na parehong inaangkin ng Manila at Beijing. Tinatawag ito ng bansa bilang Bajo de Masinloc subalit nawala ito sa kontrol ng Pilipinas matapos ang kontrobersyal na standoff sa China noong 2012

Nong Abril, naghain din ng diplomatic protests ang Pilipinas bunsod ng pagdeklara ng Beijing ng dalawang bagong distrito sa West Philippine Sea na tinawag na Sansha City, at sa panunutok ng radar gun sa barko ng Philippine Navy na BRP Conrado Yap.

Hindi pa malinaw kung rumesponde rito ang China, subalit wala pa itong inilalabas na pahayag sa publiko tungkol sa isyu.

Iginigiit ng China ang pag-aari nito sa halos buong South China Sea, kasabay nang pagtanggi nito sa kapasyahan ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands na nagbasura sa mga pag-angkin nito.

Kinilala ng nasabing desisyon ang sovereign rights ng Pilipinas sa mga inaangking lugar ng China na pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Gayunpaman, isinantabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang kapasyahan alang-alang sa pagpapanatali ng mas malapit na relasyon sa China.

Noong Agosto 21, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kumpiyansa ang pamahalaan na hindi maapektuhan ng diplomatic protest ang relasyon ng Pilipinas at China, kabilang na ang pangako nitong pagbibigay prayoridad sa Pilipinas kung sakaling dumating na ang bakuna kontra Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING