Malacañang: Diplomatic protest, hindi makakaapekto sa relasyon ng PH at China

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Kumpiyasa ang Malacañang na hindi maapektuhan ng huling inihaing diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China ang relasyon ng dalawang bansa.

Ito ay matapos maghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest noong Agosto 20 laban sa China dahil sa iligal na pagkamkam ng Chinese Coast Guard noong Mayo sa ilang kagamitan ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc).

Hindi po makaka-apekto iyan doon sa kabuaan ng ating matalik na pagsasamahan sa panig ng bansa natin at ng bansang Tsina,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Noong Agosto 20, kinumpirma ng DFA na naghain ito ng note verbale sa China para magreklamo tungkol sa pagkamkam ng China sa mga payaos ng mga Pilipinong mangingisda.

Kinundena rin ng DFA ang patuloy na pagsasagawa ng “radio challenges” ng China sa mga sasakyang panghihimpapawid ng Pilipinas na nagsasagawa ng regular maritime patrols sa West Philippine Sea.

Ayon kay Roque, normal lang na maghain ng diplomatic protest laban sa mga aktibidad ng isang bansa na maaaring tumatapak sa sovereign rights ng isang bansa.

Iyang mga protesta naman, ginagawa talaga iyan ng ating mga diplomat kung meron sa tingin natin may lalabag sa ating soberenya o doon sa ating tinatawag na sovereign rights,” paliwanag ni Roque.

Ang Scarborough Shoal, na kilala rin bilang Bajo de Masinloc o Panatag Shoal, ay isang coral reef na matatagpuan sa layong 124 nautical miles mula Zambales. Ito ay mahalagang bahagi ng teritoryo ng bansa na nasa ilalim ng munisipalidad ng Masinloc sa lalawigan ng Zambales.

Nagkaroon ng regular na presensya ang China sa Scarborough Shoal simula noong nagkaroon ng standoff ang pinakamalaking naval vessel ng bansa laban sa dalawang Chinese maritime surveillance ships noong Abril 2012.

Noong Hulyo 12, 2016, naghain ng kapasyahan ang Hague-based Permanent Court of Arbitration at sinabing parehong may “traditional fishing rights” sa Scarborough Shoal ang mga Pilipino at Chinese.

Simula 2018, itinutulak ng Pilipinas ang pagkakaroon ng permanenteng fishing deal sa Scarborough Shoal. Subalit, hindi pa ito napipirmahan.

Pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte na resolbahin ang mga sigalot sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng diplomatic negotiations alinsunod sa pagpapanatili ng magandang ugnayan sa pagitan ng China at Pilipinas.

LATEST