IATF, pag-aaralan kung gagawing mandatoryo ang pagsusuot ng face mask at face shield sa lahat ng lugar

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Michael Varcas (The Philippine STAR)

Pag-aaralan ng pamahalaan kung gagawing mandatoryo ang pagsusuot ng parehong face mask at face shield sa lahat ng lugar bilang pag-iingat mula sa Covid-19.

Ang pagsusuot ng face mask at face shield ay mandatoryo sa lahat ng commercial areas, lugar na pinagtatrabahuhan, at pampublikong transportasyon.

Subalit, hinikayat ng mga opisyal ang publiko na isuot din ang mga ito sa iba pang pampublikong lugar dahil nababawasan umano nito ang tsansa ng isang indibidwal na mahawa sa coronavirus.

That (wearing of both face masks and face shields) will be discussed by the IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) (Tatalakayin ng IATF ang pagsusuot ng parehong face masks at face shields),” ani Presidential Spokesman Harry Roque.

Pinaalalahanan naman ng tagapagsalita ng pangulo ang mga taong lalabas ng kani-kanilang mga tahanan na isuot nang maayos ang face masks at panatilihin ang pagsusuot ng face shield sa lugar na pinagtatrabahuhan o sa loob ng pampublikong transportasyon.

Pinapahintulutan din umano ang pagsusuot ng do-it-yourself face shields basta’t natatakpan ang buong mukha.

We should have discipline and follow health protocols (Dapat tayong magkaroon ng disiplina at sundin ang mga health protocols),” giit ni Roque.

Milyun-milyong manggagawa ang inaasahang sasakay sa mga pampublikong transportasyon bunsod ng pagpapagaan ng quarantine protocols sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan sa general community quarantine (GCQ).

Batay sa datos noong Agosto 20, pumalo na sa 178,022 ang kabuuang Covid-19 cases sa bansa. Sa bilang na ito, 61,025 ang active cases at 2,883 naman ang nasawi.

LATEST

LATEST