Duque: Covid-19, maituturing na ‘blessing in disguise’ sa implementasyon ng UHC Law

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Secretary Francisco Duque III

Posible aniyang ikonsiderang “blessing in disguise” ang Covid-19 pandemic dahil nag-udyok ito sa pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang mga kinakailangang mga reporma sa sektor ng kalusugan, diin ni Health Secretary Francisco Duque III noong Agosto 21.

Ayon kay Duque sa isang webinar ng University of the Philippines, ang kasalukuyang pandemiya ay nagdulot ng mas mabilis na implementasyon ng universal health care law, na isinabatas noong Pebrero 2019.

This can also be some kind of (Isa itong uri ng) blessing in disguise, serendipitous. Kasi parang na-accelerate iyong universal healthcare because of COVID-19. It is a catalyst,” ani Duque.

Dagdag pa nito, “Although COVID-19 has exposed the fissures or the cracks, weakness of our health system, it has brought to (the) fore the areas, provisions of UHC that need to be accelerated in terms of their implementation (Bagama’t ibinulgar ng Covid-19 ang kahinaan ng ating sistemang pangkalusugan, nilinaw naman nito ang mga probisyon ng UHC na dapat pabilisin ang implementasyon).”

Layon ng UHC law na tiyaking may access ang bawat Pilipino sa mura at dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Nais din nitong magkaroon ng pagbabago – mula hospital care tungo sa primary care, taliwas sa “American style” kung saan hindi na nagtutungo ang mga indibidwal sa primary care providers ng community-based health centers at sa halip ay mas pinipiling dumulog sa mga espesyalista sa malalaking ospital.

Ayon sa DOH, ang ganitong kalakaran ay mas makalalaki sa gastos ng bawat Pilipino.

Sa ilalim ng UHC system, ang bawat Pilipino ay itatalaga sa isang health worker na siyang magiging first point of contact. Ang primary care providers ay magsisilbing guide sa mga pasyente sa tungkol sa iba’t-ibang healthcare facilities.

Sa konteksto ng Covid-19, sinabi ni Duque na hinihikayat nila ang health care workers at mga pamahalaang lokal na magsagawa ng “active case finding” sa pamamagitan ng pagbisita sa mga komunidad para mamonitor ang kalagayan ng mga tao at masunod ang minimum health standards.

Kinakailangan din umanong magtayo ang pamahalaan ng One Hospital Command Center para tiyakin ang episyenteng health facility referral para sa Covid-19 patients sa Metro Manila upang maiwasan ang decongestion sa mga ospital. Pinangangasiwaan din ng command center ang medical transport at patient pick-up arrangements.

Binanggit naman ni Duque na dapat magkaroon ng hiwalay na command center para sa isolation centers upang mas mapabuti ang referral network.

LATEST

LATEST

TRENDING