Angara: Bayanihan 2, nagbigay ng karagdagang pondo sa DOH at hindi sa PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Senador Sonny Angara

Pinili ng mga mambabatas na maglaan ng pondo mula sa Bayanihan to Recover as One Act sa Department of Health (DOH) sa halip na sa PhilHealth, habang patuloy ang isyu ng kurapsyon sa health insurance agency, ayon sa isang senador noong Agosto 21.

Sinabi ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na pinili ng bicameral conference committee na siyang nagsapinal sa ₱165.5-bilyong stimulus plan ng Kongreso, na maglaan ng mas malaking pondo para sa mga programa ng DOH, dahil may pera pa umano ang PhilHealth para tugunan ang hospital reimbursements ng Covid-19 medical bills ng mga Pilipino.

“That was a concern. In fact, the IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) wanted to give the money straight to PhilHealth to reimburse the hospitals right away. As you know, the Senate is investigating PhilHealth currently and in the course of our investigation, lumabas na may ₱200 billion pa sila na pondo. In fact I think there is ₱22 billion pa COVID response,” paliwanag ni Angara.

Dagdag pa ng senador, “On paper it’s more than enough (Sa papel, higit pa ito sa sapat). I don’t know what’s taking long, baka maburukrasya sila, there are some allegations of favoritism and corruption (may mga alegasyon ng paboritismo at kurapsyon). In the meantime, we’ll give the health funds to the DOH (Sa ngayon, ibibigay natin ang health funds sa DOH).”

Kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon ang PhilHealth matapos ibunyag ng nag-resign na empleyado ang mga iregularidad ng ahensya sa pag-procure ng IT systems. Napag-alaman din sa mga isinagawang pagdinig ng Senado ang misuse sa interim reimbursement mechanism para sa health facilities, mga benepisyong ibinibigay sa mga patay o ghost patients, at ang hindi paghahain ng mga kaso at kaparusahan ng legal department ng ahensya.

Nasa likod umano nito ang tinaguriang “PhilHealth mafia” na kinabibilangan ng mga matatas na opisyal ng korporasyon. Sinuspinde na ng Ombudsman ang ilang regional directors ng ahensya ngayong linggo.

Layong ibangon ng stimulus plan ang ekonomiya ng bansa, na bumagsak dahil sa ilang buwang lockdwn. Kabilang sa inilaang pondo ang ₱140 bilyong regular appropriations at karagdagang standby fund na ₱25.5 bilyon.

Sa kabuuang pondo, makatatanggap ang DOH nang ₱3 bilyon para sa karagdagang face masks, personal protective equipment, shoe covers, at face shields, kasama ang ₱13.5 bilyon para sa emergency employment ng health workers.

Naglaan din ng ₱4.5 bilyon para sa pagtatayo ng mga temporary isolation at quarantine facilities, pati na rin ang pagpapalawak ng mga public hospitals.

We cannot get the economy going if people have no confidence that they can go out there safely (Hindi natin mabubuksan ang ekonomiya kung walang kumpiyansa ang mga taong makalalabas sila nang ligtas), kaya nag-iinvest tayo sa health capacity ng ating bansa,”diin ni Angara.

Pangungunahan din ng DOH ang karagdagang testing at contact tracing, kabilang ang ₱10 bilyong standby fund para sa pagbili ng Covid-19 vaccines na handa nang i-rollout.

Inanunsyo ng Russia kamakailan ang paglikha ng Covid-19 vaccine na pinangalanang Sputnik V, subalit kinakailangan pa nitong sumailalim sa phase 3 clinical trials bago aprubahan ng Food and Drug Administration.

Samantala, naglaan din ang bill ng ₱4.5 bilyon para sa Department of National Defense (DND) para bayaran ang gastusin sa isolating at treating ng mga nagsisipag-uwiang overseas Filipino workers na nagpositibo sa Covid-19.

Ayon kay Angara, binabayaran ng gobyerno ang kanilang tirahan sa mga hotel, pati na rin ang kanilang pagkain.

May inilaan ding ₱820 milyon para naman sa repatriaiton efforts na isinasagawa ng Department of Foreign Affairs (DFA)

Nakasaad din aniya sa Bayanihan 2 Act, na kinakailangang magsumite ni Pangulong Rodrigo Duterte ng lingguhang ulat sa Kongreso bawat buwan hanggang sa dulo ng taon. Kinakailangan din umanong bigyan ng kopya ang Commission on Audit.

Nakalagay din sa panukala ang ilang mga sabsidiya para sa ilang sektor, ayon kay Angara:

– ₱39.472 bilyon bilang capital infusion sa government banks para makapagbigay ng mas maraming loans, lalo na sa maliliit na negosyo;

– ₱24 bilyong assistance para sa mga magsasaka at sa Plant, Plant, Plant initiative ng Department of Agriculture;

– ₱13 bilyon para sa cash-for-work program ng short-term employment;

– ₱9.5 bilyong assistance sa transportation sector;

– ₱6 bilyong karagdagang assistance funds sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development;

– ₱5 bilyong para sa hiring ng mas maraming contact tracers;

– ₱4.1 bilyon para sa tourism industry, kabilang ang ₱100 milyon para sa training at subsidies sa mga tour guides;

– ₱4 bilyon para sa implementasyon ng digital education;

– ₱3 bilyon para sa development ng smart campuses sa buong bansa;

– ₱2 bilyong sabsidiya para sa pagbabayad ng interes sa government loans mula sa pampublikong mga bangko;

– ₱1.5 bilyong assistance sa local government units

– ₱1 bilyon para sa TESDA scholarships;

– ₱600 milyong subsidies at allowances para sa mga mag-aaral na apektado ng pandemiya;

– ₱300 milyong subsidies at allowances para sa teaching at non-teaching personnel, at part-time faculty sa mga state universities and colleges;

– ₱180 milyong allowance para sa national athletes at coaches;

– ₱15 milyon para sa UP Diliman Computational Research Laboratory;

– ₱10 milyong research fund ng Health Technology Assessment Council;

– at ₱2.5 milyon para sa computer-based licensure ng Philippine Red Cross.

Bukod sa ₱10-bilyong vaccine fund, isa pang hiwalay na ₱15.5 bilyon naman ang naka-hold para gamitin bilang karagdagang capital infusion sa Landbank at Development Bank of the Philippines.

LATEST

LATEST

TRENDING