Inaasahang magbibigay ng anunsyo si Pangulo Rodrigo Duterte sa taumbayan sa Lunes, Agosto 24, mula sa Davao City, kung saan siya namamalagi nang mahigit dalawang linggo na.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, patuloy na ginagampanan ng pangulo ang kanyang mga tungkulin sa Davao at ito ay mayroong napakaraming paperwork na dapat aksyunan.
“I can assure you that there will be another address on Monday. The reason why he stays, he said he was avoiding COVID (coronavirus disease) but the work of the president continues (Tiniyak kong may panibagong address sa Lunes. Ang rason kung bakit siya nananatili ay upang maiwasan ang Covid, subalit patuloy pa rin ang trabaho ng pangulo),” ani Roque.
Dagdag pa ni Roque, “Everytime we leave Manila, we bring with us mountains of documents for the president. I can assure, appointments alone constitutes mountains of documents. I’m sure, our president, as a former mayor, looks at each document thoroughly before signing (Kapag umaalis kami ng Manila, marami kaming dokumentong dinadala para sa pangulo. Sa appointments pa lamang, napakarami nang mga dokumento. Tinitiyak kong sinusuring maigi ng pangulo ang bawat dokumento bago ito primahan).”
Iginiit ni Roque na ang tanggapan ni Duterte sa Lungsod ng Davao, na itinayo noong termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ay nagsisilbi lamang bilang “ibang venue” para mapagampanan ng pangulo ang kanyang tungkulin.
Nananatili si Duterte sa Davao City simula Agosto 3.