Ipinag-utos ni Ombudsman Samuel Martires ang suspensyon ng 13 PhilHealth officials habang nasa gitna ng imbestigasyon ang ahensya hinggil sa mga alegasyon ng katiwalian, ayon sa isang highly-placed source at sa mga kopya ng dokumentong ibinahagi ng isang mambabatas.
Ipinakita ni Iloilo 1st District Representative Janette Garin noong Agosto 19 ang mga larawan ng kautusang nilagdaan ni Martires, kung saan nakalista ang mga pangalan ng opisyal na pinatawan ng presentive suspension nang anim na buwan at walang pasahod. Sila ay sina:
Roy B. Ferrer
Celestina Ma. Jude dela Serna
Ruben John A. Basa
Dennis S. Mas
Shirley B. Domingo
Rodolfo Del Rosario Jr.
Raul Cominic Badilla
Israel Pargas
Angelito Grande
Lawrence Mijares
Leila Tuazon
Isa pang kautusan ang nagpataw ng suspensyon sa mga opisyal na ito nang anim na buwan:
Roy B. Ferrer
Ruben John Basa
Clementine A. Bautista
Angelito Grande
Eugenio G. Donatos II
Subalit, hindi pa tiyak kung paano susunod sina Ferrer, Basa, at Grande sa kautusan ng suspensyon.
Ayon sa highly-placed source, ang kautusan ay itinakdang ihain sa Agosto 19, at ito ay nag-ugat mula sa lumang reklamo na walang kaugnayan sa Covid-19.
Kinilala naman ni Senador Migz Zubiri ang balita tungkol sa kautusan ng Ombudsman.
“That is great news! A small victory in our fight against the corruption in the Government’s Health Insurance agency. I totally laud the Ombudsman on this (Isang magandang balita! Isa itong maliit na tagumpay sa laban kontra katiwalian sa PhilHealth. Sumasaludo ako sa Ombudsman),” ani Zubiri.
Naghain ng resolusyon noong Agosto 19 si Zubiri upang humiling sa Office of the President na isuspinde ang mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa kurapsyon.