Duterte, tiwala pa rin kay Duque bagama’t nauugnay sa isyu ng katiwalian sa PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Patuloy na pinagkakatiwalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Health Secretary Francisco Duque III bagama’t itinuring ito ng isang whistleblower bilang “godfather” ng mafia sa loob ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, patuloy ang tiwala ni Duterte kay Duque at mananatili pa rin ang kalihim sa kanyang puwesto.

Aniya, “If he has ceased to have trust and confidence, then Secretary Duque will no longer be in office because all Cabinet members serve at the pleasure of the President (Kung wala na siyang tiwala at kumpiyansa, hindi na maaaring magsilbi si Secretary Duque dahil naaayon lamang ito sa kagustuhan ng pangulo).” Roque said.

Sinabi rin ni Roque na hindi na magtatagal bago ilabas ang resulta ng imbestigasyon tungkol sa malawakang katiwalian sa PhilHealth.

Bumuo si Pangulong Rodrigo Duterte ng task force na pinangungunahan ng Department of Justice (DOJ) upang paimbestigahan ang iba’t-ibang isyung kinakaharap ng PhilHealth. Binigyan ng isang buwan ang task force para magsumite ng ulat at rekomendasyon sa pangulo.

Dagdag ni Roque, bagama’t may mga kasong isinampa laban kay Duque hinggil sa distribusyon ng libreng PhilHealth cards noong termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ibinasura ito ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales noong 2012 dahil sa “lack of merit”.

Sa ginanap na pagdinig sa Senado, sinabi ng dating anti-fraud officer ng PhilHealth na si Thorrson Montes Keith, na si Duque ang itinuturing na “godfather” ng PhilHealth mafia.

Si Duque umano ang nasa likod ng pag-apruba sa appoinment ng executive officials na pinaghihinalaang kabahagi ng mafia.

Tinanggihan naman ito ni Duque subalit inaming posibleng may mga sindikatong sangkot sa mga anomalya ng PhilHealth.

LATEST

LATEST

TRENDING