Muling binatikos ang pamahalaan matapos nitong inanunsyo kamakailan na hindi na kailangang magkabit o gumamit ng motorcycle barriers ang mga magkaangkas at nakatira lamang sa iisang bahay.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, tila bumalik na ang sentido komon ng IATF sa pagpapasyang ito.
Kinainisan din ng mga motorcycle riders ang IATF dahil gumastos pa sila para sa pagbili ng barriers para lamang makasunod sa itinakdang kautusan.
“Parang tanga lang po, may paganun-ganun pa kasi sila eh mag-asawa, gaya po namin mag-asawa naman po kami,” ayon sa backrider na si Fernaliz Labasan.
Naglalaro sa P500 hanggang P700 ang presyo ng bawat barrier, isang malaking halaga para sa mga mamamayan at pamilyang sapat lamang ang kinikita.
“Panggastos na sana namin yon, syempre alam naman nila, walang trabaho to, ngayon lang uli papasok,” giit ng motoristang si Charles Baliwag.
Subalit, nilinaw naman ni Joint Task Force COVID Shield head Lt. Gen. Guillermo Eleazar na kailangan pa rin ang barriers kung hindi nakatira sa parehong bahay ang magkaangkas.
“Kailangan pa rin ang barrier doon sa hindi sila nakatira sa isang lugar at marami po ‘yan. Sa panahon ngayon pamilyahan na ang hawaan ng virus. In essence, ito po ay additional safety net. Hindi naman masasayang yan, pwedeng gamitin yan ‘di lang sapilitan,” ani Eleazar.