Lacson kay Duque: PhilHealth IRM, hindi puwede sa non-Covid cases

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Abante

Pinabulaanan ni Sen. Panfilo Lacson noong Agosto 18 ang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III na maaaring makatanggap ang mga dialysis centers at maternity clinics mula sa Philippine Health Insurance Corp’s (PhilHealth) advance deposits para sa emergency events.

Binanggit ni Duque sa Senate Committee of the Whole na walang iregularidad sa pagsama ng mga dialysis centers at maternity wards sa interim reimbursement mechanism (IRM) ng PhilHealth dahil apektado rin umano ang mga ito ng pandemiya.

Isa ang IRM disbursements ng PhilHealth sa mga naiuulat na may iregularidad sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa katiwalian ng ahensya.

We are in a war against an invisible enemy and Covid patients are not the only casualties in this war (Nasa digmaan tayo laban sa hindi nakikitang kaaway at hindi lamang Covid patients ang nasasawi rito),” ani Duque.

Dagdag pa ng kalihim, “IRM funds are not exclusive to hospitals catering to COVID-19 patients… because this PhilHealth mechanism ensures the provision of benefits for Filipinos (Hindi eksklusibo ang IRM funds sa mga ospital na may Covid-19 patients… dahil tinutugunan ng mekanismong ito ang lahat ng mga Pilipino),” he said.

Tinanong naman ni Lacson si Duque na magbigay ng probisyon sa IRM circular na magpapatunay na maaaring makatanggap mula sa emergency funding ang mga non-Covid-19 facilities.

“Maski hanapin niyo maghapon, walang kayong makikita na magju-justify na puwede sakupin ng IRM ang non-Covid cases. Maski isang linggo kayo maghanap, wala kayo makikita,” diin ni Lacson.

Sinabi ng senador kay Duque na maaari lamang saklawan ng advance payment para sa mga ospital ang “fortuitous” o hindi mga inaasahang pangyayari.

“Ang dialysis po ba, fortuitous event? Hindi. ‘Yung maternity care fortuitous event po ba ‘yun? Hindi,” tugon ni Lacson.

Pinaalalahanan ni Lacson si Duque – na naging bahagi ng PhilHealth board simula 2001 – na ginagamit lamang ang IRM para sa natural o man-made na mga kalamidad katulad ng Bagyong Ondoy noong 2009, Bagyong Yolanda noong 2013, Marawi siege noong 2017, at pagsabog ng Bulkang Taal ngayong taon.

Ayon sa senador, “regular benefit claims” ang natatanggap ng mga dialysis centers.

“‘Yang sinasabi ninyo, hindi tatama sa fortuitous event na COVID-19,” paglilinaw ng senador.

Sumang-ayon naman si Duque kay Lacson at sinabing “iwawasto” ang maling implementasyon ng IRM.

Patuloy ang pagkuwestyon ng mga senador sa mga opisyal ng PhilHealth dahil sa pag-disburse ng bilyun-bilyong pondo para sa mga dialysis centers at maternity clinics, habang walang pondong ibinibigay sa mga ospital na may Covid-19 patients.

LATEST

LATEST

TRENDING