Hindi umano biro ang mawalan ng hanapbuhay sa panahon ng pandemiya, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque noong Agosto 18 matapos linawin nito ang kanyang naunang naging komento na nagagalak siyang hindi lahat ng Pilipino ang nawalan ng trabaho ngayong Covid-19 pandemic.
Aniya, “Ako po’y nagagalak na hindi tayo 100 percent nawalan ng trabaho kasi, sa tagal po na naka-lockdown tayo, talagang I’m still surprised at our resilience at 45 percent pa lang po ang nawawalan ng trabaho.”
Inamin naman ni Roque na hindi nagustuhan ng ilan ang kanyang naging pahayag kaya’t nilinaw niyang nais lamang niya umanong iparating na “posibleng naging mas malala pa ang sitwasyon.”
“Malungkot po na maraming nawalan ng trabaho sa atin. Hindi po biro talaga ‘yan,” ani Roque.
Dagdag pa niya, “Mayroon pong ibang tao na minasama o binigyang kulay ‘yung aking sinabi na nagagalak na hindi tayo 100 percent nawalan ng trabaho. Ang ibig ko lang pong sabihin, it could have been worse (posibleng naging mas malala pa ang sitwasyon).”
Halos kalahati ng Pilipinong adults, o tinatayang nasa 27.3 milyong indibidwal ang kasalukuyang walang hanapbuhay, ayon sa isinagawang national mobile phone survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hulyo.
Nasa 45.5 porsyento ang adult joblessness rate na isang bagong record-high simula noong 34.4 porsyentong naitala noong Marso 2012, ayon sa SWS.