Alam umano ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga anomalyang nangyayari sa loob ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa kanyang panunungkulan dito nang halos dalawang dekada, pahayag ng isang opisyal sa mga senador noong Agosto 18.
Ayon kay Dennis Adre, PhilHealth Region XI vice president, siya at ang mga opisyal na pinangalanang miyembro aniya ng tinaguriang “mafia” sa loob ng ahensya ay ang mga kumukwestyon sa mga iregularidad at mga “baluktot na palisiya” ng korporasyon.
“The honorable secretary knows all that is happening in PhilHealth (Alam ng kalihim ang mga nagaganap sa PhilHealth),” ani Adre sa Senate hearing.
Ilan sa mga kinukwestyon ng grupo ay ang 2010 simplified reimbursement scheme, kung saan inilarawan ito ni Adre bilang “halos kapareho” ng interim reimbursement mechanism (IRM) na kasalukuyang iniimbestigahan ng mga senador.
Ayon kay Adre, ikinabahala rin ng kanyang grupo ang all-case rate scheme, dahil naging dahilan umano ito sa madaling pagkaubos sa pondo ng ahensya
Isang position paper din ang inilabas laban sa distribusyon ng 5 milyong PhilHealth cards, isang proyektong nagkakahalaga nang P6 bilyon na pinaghihinalaang ginamit para sa kampanya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004.
“If we are to be called mafia for questioning flawed policies and illegal orders, or for exposing irregularities, then so be it (Kung tatawagin kaming mafia dahil sa pagkwestyon ng mga maling palisiya at iligal na utos, o sa pagbubunyag ng iregularidad, eh di sige),” Adre said.
“But we are the good mafia and they are the real and bad mafia. We represent the interest of contributors, the interest of government (Subalit kami ang good mafia at sila naman ang bad mafia. Nirerepresentahan namin ang interes ng mga contributors at ng pamahalaan),” diin ng opisyal.
Unang pinangalanan si Adre bilang kabahagi ng mafia na sangkot sa mga iligal na aktibidad sa loob ng PhilHealth.
Inakusahan naman niya ang mga miyembro ng PhilHealth executive committee na “tinatakpan ang mga nabulgar na anomalya.”