Roque, ‘nagagalak’ dahil 45% lamang ang nawalan ng trabaho at hindi 100%

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mas may rason para maging masaya dahil 45.5 percent lamang umano o tinatayang 27.3 milyon ang nawalan ng trabaho sa Hulyo.

Aniya, “Ako po ay nagagalak na hindi tayo 100 percent nawalan ng trabaho kasi sa tagal po na naka-lockdown tayo, talagang I’m still surprised at our resilience at 45 percent pa lang po ang nawawalan ng trabaho.”

“It could have been worse, kasi nga po complete lockdown ang nangyayari sa atin,” dagdag pa ni Roque.

Isinapubliko ng Social Weather Stations (SWS) noong Agosto 16 ang survey results na nagpapakitang mas dumoble ang bilang ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho noong Hulyo kumpara noong Disyembre na nasa 17.7 percent.

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang pag-akyat sa unemployment ay “hindi nakakagulat,” subalit iginiit na may pagkakaiba sa survey ng SWS at sa opisyal na datos ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ng kalihim na binibilang ng SWS ang uri ng trabaho ng isang indibidwal, samantalang binibilang naman ng pamahalaan ang bilang ng mga taong may trabaho.

Sinabi rin ni Labor Assistant Secretary Nikki Tutay na inaasahan ang pagtaas sa unemployment rate.

Binanatan naman ng grupong Kilusang Mayo Uno ang pagtaas ng unemployment, at iginiit na inutil ang administrasyong Duterte at walang pagmamadali sa pagtugon sa economic crisis at ang epekto nito sa mga manggagawa.

Nananawagan ang grupo para sa ₱10,000 na ayudang pinansyal para sa lahat ng mga nawalan ng trabaho ngayong panahon ng pandemiya.

Ayon naman sa isang grupo, insensitibo ang mga naging komento ni Roque tungkol sa unemployment.

“Iyong dating nagugutom, nabubutas na ang tiyan. Iyong dating kulang ang kinikita, walang nang inuuwi sa pamilya. Dapat bang maging magaan ang sitwasyong ito? Bakit hindi nagkukumahog ang pamahalaan para resolbahin ang usaping ito?,” wika ni Kadamay spokesperson Mimi Doringo.

Naunang sinabi ni Roque na hindi na kaya ng bansang ipagpatuloy ang mahigpit na lockdown dahil wala na umano itong pondo para tustusan ang ikatlong bugso ng ayuda para sa mga mahihirap na nawalan ng hanapbuhay ngayong panahon ng pandemiya.

LATEST

LATEST

TRENDING