Ipinaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 17 na hindi niya kailangang ilihim ang kanyang mga pagbiyahe sa ibang bansa, matapos pumutok ang balitang lumipad ito patungong Singapore nitong weekend para magpagamot.
Aniya, “Alam mo, kung gusto ko umalis, aalis ako. I do not have to keep a secret because I will not be using any government funds (Hindi ko kailangang magsikreto kasi hindi ako gagamit ng pondo ng gobyerno).”
“I’m under no obligation to travel in secret and not tell you, the republic, at all (Wala akong obligasyong bumiyahe nang palihim at hindi sabihin sa inyo, sa republika),” dagdag pa ni Duterte.
Ayon sa pangulo, “guaranteed” ang kanyang karapatang makapagbiyahe bilang mamamayan ng bansa.
“If guaranteed sa inyo, guaranteed din sa akin. I do not have to hide it. So stop this nonsense about me going to Singapore, I said, if at all (Hindi ko kailangang itago. Itigil ninyo ang balitang pumunta ako sa Singapore, kung sinabi ko man ito),” giit ni Duterte.
Dagdag pa niya, “Wala kayong pakialam kung gusto kong pumunta.”
Umalingawngaw ang mga ulat tungkol sa pagpapagamot ni Duterte matapos ianunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kasalukuyang nasa “perpetual isolation” ang pangulo.
Para pabulaanan ang mga kumakalat na balita, ipinost ni Senador Christopher “Bong” Go sa social media ang larawan ng pangulo kasama ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña at kanilang anak na si Kitty.
Nagkaroon ng espekulasyon ang publiko ukol sa kalusugan ni Duterte matapos magpositibong muli sa Covid-19 si Interior Secretary Eduardo Año, na palaging kasama ng pangulo sa mga pagpupulong.