Duterte, nasa ‘perpetual isolation’ at sumasailalim sa regular na Covid-19 testing

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Kasalukuyang nasa “perpetual isolation” si Pangulong Rodrigo Duterte at sumasailalim din ito sa regular na real-time polymerase chain reaction tests para sa Covid-19, ayon sa Malacañang noong Agosto 17.

Sa kanyang virtual media briefing mula sa kanyang tahanan, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tiniyak ng Presidential Security Group ang kaligtasan ni Duterte, matapos magpositibo ang isang opisyal ng Gabinete sa Covid-19.

There is a velvet rope that keeps him at least six feet away from everyone else. He’s in perpetual isolation, in the sense that the PSG has done a very good job in making sure that no one really comes close to the President (May velvet rope na nagsisigurong may anim na talampakang distansya mula sa pangulo. Siya ay nasa perpetual isolation at tiniyak ng PSG na walang makakalapit sa pangulo),” ani Roque.

Inanunsyo ni Interior Secretary Eduardo Año noong Agosto 16 na nagpositibo itong muli sa Covid-19 matapos unang makuha ang sakit noong Marso.

Ito ay nag-udyok kay Roque na mag-self-isolation, dahil nakasalamuha umano niya si Año sa isang biyahe nitong buwan. Pagkalipas aniya ng limang araw sa isolation, sinabi ni Roque na magpapatest siya sa RT-PCR.

Idiniin ni Roque na hindi maituturing na close contact ang pangulo — kahit kasama nito si Año sa huling pagpupulong ng IATF— dahil inobserbahan umano ng mga opisyal ang tamang physical distancing at health protocols.

“Ang Presidente naman po, technically wala siyang close contact… Malayo po kaming lahat kay Presidente, at naka-face shield at naka-face mask. Pero I believe the others po are also in self-isolation now,” giit ni Roque.

Hindi naman binanggit ni Roque ang mga pangalan ng iba pang mga opisyal na nasa isolation.

Inamin ni Año na nakaramdam siya ng flu-like symptoms noong Agosto 13. Nagpatest naman ito sa sumunod na araw, at natanggap ang positibong resulta noong Agosto 15.  Ginanap ang huling pagpupulong ng IATF noong Agosto 10.

Binanggit naman ni Roque na itutuloy pa rin virtually ang gaganaping pagpupulong ng IATF sa Lunes, Agosto 17.

LATEST

LATEST

TRENDING