Nagbabala ang mga awtoridad sa publiko na huwag ibigay ang bank account passwords at one-time PINs sa iba dahil sa patuloy na pagtaas ng online scams habang nasa gitna ng Covid-19 pandemic.
Naitala ng National Bureau of Investigation-Cyber Crime Division (NBI-CCD) ang pag-akyat sa bilang ng mga natatanggap na reklamo tungkol sa online scams, ayon kay NBI-CCD chief Victor Lorenzo.
“Wag natin ipo-provide ang one-time PIN kahit sino ang humingi dahil hindi kailangan yan. For example, DSWD, hindi hihingin yan. Ang bangko rin, hindi hihingin dahil sila ang nag-provide niyan,” paalala ni Lorenzo.
Dapat umanong mapag-alaman ng publiko ang mga “red flags” katulad ng pagmamadali ng seller o ang pagpilit na magbayad ng advanced payment, dagdag pa ni Lorenzo.
Ayon sa opisyal, mas makabubuti aniya ang paghingi sa landline number ng manufacturer dahil hindi umano gumagamit ng mobile phones at emails ang mga malalaking kumpanya.
Aniya, “Ang key kasi dito is public awareness. Mag-ingat tayo sa online transactions natin. ‘Wag tayo masyadong ma-excite sa transactions. Pag-isipan, mag-pause at tingnan ang tell-tale signs at red flags sa transactions natin”.
Ang mga online scams ay maaaring ipagbigay alam sa NBI-CCD sa pamamagitan ng webiste nito o pagtawag sa 523-8231.