Nagpahayag ng suporta ang Malacañang noong Agosto 16 sa panawagan ni Justice Secretary Menardo Guevarra na mag-voluntary leave ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sangkot sa bilyun-bilyong pisong anomalya sa ahensya.
“The Palace reiterates the call of the (Department of Justice) Secretary, who heads the PhilHealth Task Force, for those officers under investigation, particularly the members of the Executive Committee (ExeCom) who have been named in the investigations of both Senate and House, to follow their action and go on leave (Inuulit ng Palasyo ang panawagan ng DOJ Secretary, na pinuno ng PhilHealth Task Force, para sa mga opisyal na sumasailalim sa imbestigasyon, partikular na ang mga miymembro ng ExeCom na pinangalangan sa Senado at Kamara, na mag-leave),” pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Inilabas ni Roque ang pahayag matapos mag-leave ang anim na PhilHealth regional vice presidents, na kinilala bilang “modern-day heroes” ni PhilHealth board member Alejandro Cabading.
Ang anim na PhilHealth regional vice presidents ay sina Paolo Johann Perez (Mimaropa), Valerie Anne Hollero (Western Visayas), Datu Masiding Alonto Jr. (Northern Mindanao), Khaliquzzman Macabato (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao), Dennis Adre, at William Chavez.
Sa liham na pinadala kay PhilHealth executive vice president at COO Arnel de Jesus, sinabi ng senior PhilHealth officials na napagpasyahan nilang pansamantalang lisanin ang kanilang puwesto alinsunod sa panawagan ni Guevarra. Sinabi ng mga ito na bababa sila sa puwesto simula Lunes, Agosto 17.
Kinumpirma rin ni Roque na nagdesisyon ang anim na PhilHealth regional vice presidents na mag-leave matapos hikayatin ni Guevarra.
“They chose to go on leave and heeded the call of Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra for those whose names are mentioned in the investigation to go on leave (Napagpasyahan nilang mag-leave at sundin ang panawagan ni DOJ Secretary Menardo Guevarra para sa mga pinangalanan sa imbestigasyon na mag-leave),”ani Roque.
Ayon kay Roque, ito ang “tama at nararapat na gawin”.
Sa ginanap na pagdinig ng Senado tungkol sa isyu ng PhilHealth noong Agosto 11, tinanggihan nina Cabading at ni resigned PhilHealth anti-fraud legal officer Thorrsson Montes Keith ang mga alegasyon na sangkot sa katiwalian ang anim na PhilHealth regional vice presidents.
Naunang sinabi ni Keith na ibinulsa ng ilang mga opisyal ng PhilHealth ang aabot sa P15 bilyong pondo ng ahensya.
Ipinag-utos naman ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 7 kay Guevarra na pangunahan ang isang task force na mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng kurapsyon sa loob ng PhilHealth.
Inatasan ang task force na magsagawa ng audit at lifestyle checks sa mga opisyal at empleyado ng korporasyon.
Bukod sa DOJ, kabilang din sa task force ang mga representatibo mula sa Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Presidential Anti-Corruption Commission, Office of the Special Assistant to the President, Anti-Money Laundering Council, National Bureau of Investigation at National Prosecution Service.