Tinanggihan ng Malacañang noong Agosto 16 ang balitang umalis ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte nitong weekend.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nananatiling nasa bansa si Duterte para pangasiwaan ang ginagawang pagresponde ng pamahalaan laban sa Covid-19 pandemic.
Aniya, “There is no truth that President Rodrigo Roa Duterte left the country this weekend (Hindi totoong umalis ng bansa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong weekend)”.
Hindi nagbigay ng karagdagang detalye si Roque tungkol sa mga naibabalita, subalit tiniyak nitong nasa bansa ang pangulo at “patuloy na binabantayan ang sitwasyon ng Covid-19”.
Huling umalis ng bansa ang pangulo noong Nobyembre 2019 kung saan dumalo ito sa 35th Summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Thailand.
Nauna namang sinabi ni Roque sa isang press briefing noong Agosto 15 na na mag-aanunsyo si Duterte ng panibagong klasipikasyon ng community quarantine sa Metro Manila at apat na karatig-lalawigan sa Lunes, Agosto 16.
Noong Agosto 2, isinailalim ng pangulo sa striktong modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal hanggang Agosto 18 alinsunod sa hiling ng medical frontliners para sa “timeout” dahil sa pagtaas ng Covid-19 cases.
Sa parehong briefing, sinabi rin ni Roque na isinailalim ni Duterte ang malaking bahagi ng bansa sa pinakamagaang modified general community quarantine (MGCQ), kasabay nang pagpapahintulot ng pamahalaan na buksan ang aling industriya para sa pagbangon ng ekonomiya.
Ang mga lalawigan naman ng Nueva Ecija, Batangas at Quezon ay isasailalim sa general community quarantine (GCQ) mula Agosto 16 hanggang 31, kabilang ang mga lungsod ng Iloilo, Cebu, Lapu-Lapu, Mandaue, at Talisay; at mga bayan ng Minglanilla at onsolacion sa Cebu province.
“Ang iba’t ibang lugar po ng Pilipinas ay mapapasailalim po sa modified general community quarantine or MGCQ,” ani Roque.
Dapat ding panatilihin ng mga lalawigan, highly urbanized cities, at independent component cities na nasa ilalim ng MGCQ ang “striktong pagpapatupad ng local action,” dagdag pa ni Roque.