Jeepney drivers, umaaray dahil wala pa ring ayuda sa deadline ng SAP distribution

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Ted Aljibe (AFP)

Umaaray ang ilang mga drayber ng jeepney na hindi pa rin nakakatanggap ng ayudang pinansyal galing sa social amelioration program (SAP) ng pamahaalan, sa itinakdang huling araw ng distribusyon nito.

Napaluha na lamang ang jeepney drayber na si Gildebrando Diolata nang tanungin ito kung nakatanggap na ito ng ayuda. Hindi umano nakatanggap si Diolata ng ayuda sa una at ikalawang bugso ng SAP.

Aniya, “Sa DSWD, ma’am, wala na kaming pag-asa, umaasa kami sa LTFRB dahil nu’ng pumunta ako ng DSWD ang sabi sa akin, wala sa kanila, nasa LTFRB. Ang sabi naman ng LTFRB, ipinasa na nila sa DSWD. Parang pinagpasa-pasahan lang po kami”.

Sa mahigit 120 na mga drayber kabilang na si Diolata, 10 lamang ang nakatanggap ng ayuda.

Dahil dito, ninais na lang ng mga drayber na magbalik-pasada subalit hindi ito natuloy dahil sa pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

“May magbibigay ng tig-5 kilo ng bigas o noodles, yun na lang pinagkakasya namin. Wala naman po kaming magawa,” paliwanag naman ni Clenio Chua Jr., isang tsuper. 

Pareho rin ang dinaranas ng ilang mga drayber sa Balintawak, Quezon City, kung saan napilitang nang mamalimos ang iilan.

Ayon sa tsuper na Antonio Parada, halos kalahating taon na siyang hindi pumapasada at hindi pa rin nabibigyan ng ayuda.

Nawalan naman ng pag-asa ang isa pang drayber na si Samuel Casibang na makakatikim pa sila ng ayuda. 

Aniya, “Dalawang araw nalang wala pa , di na aasahan yun. Kaya nagtitiyaga na lang kami manghingi”.  

Samantala, nakatanggap naman mula sa ikalawang bugso ng ayuda ang ilang mga drayber sa Rizal. Subalit, tatlo lamang umano sa kanila ang nabigyan nito.

Kwento ng drayber na si Jocel Aredno, “Kapos pa rin sa pangbayad lang sa bahay tapos kuryente kulang na nga po, magkano lang naiwan sa amin nung ano, P500 plus lang, ginastos lang namin pang ano, sa loob ng bahay, sabon, bigas kulang pa rin”.

Isa rin sa pinoproblema nila ang renta sa terminal na hindi pa rin nababayaran limang buwan na ang nakalilipas.

Bukod sa ayuda, dumudulog ang mga drayber at operator na payagan na silang makapagbalik-operasyon.

Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na target nilang matapos ang pamamahagi ng ayudang pinansyal sa Agosto 15.

Ipinaliwanag ng ahensya na mahihirap na pamilya ang batayan sa pamimigay ng SAP.

Gayunpaman, nagtataka pa rin ang ilang mga jeepney drayber kung bakit hindi pa rin sila nakatatanggap ng pinakaaasam-asam na ayuda.

“Sana po pantay ang pagtingin nila,”emosyonal na tugon ni Diolata. 

LATEST

LATEST

TRENDING