Ibinulgar ng dalawang testigo ang mga umano’y maanomalyang aktibidad ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) sa binuong inter-agency task force ni Pangulong Rodrigo Duterte para paimbestigahan ang mga katiwalian sa health insurance firm ng pamahalaan, ayon sa task force noong Agosto 15.
Sa isang pahayag, sinabi ng Task Force PhilHealth na inumpisahan na nito ang imbestigasyon sa P15 bilyong kwestyunableng cash advances na inilabas ng PhilHealth sa mga ospital.
Sa inisyal na pagdinig na isinagawa ng task force, dalawang resource persons na humiling para itago ang kanilang identidad ang nagsiwalat ng mga maanomalyang pamamaraan na ginamit aniya ng mga empleyado at opisyal ng PhilHealth sa pagdaan ng mga taon.
Ito ay parehong ginagawa umano sa main office at regional offices, sa pakikipagsabwatan sa mga doktor, ospital, at kahit mga bangkong nagsisilbi bilang remittance centers.
Kabilang sa mga modus na ito ang pekeng claims, malversation ng premiums, at eksploytasyon ng ilang mga personalidad ng case rate system at ng interim reimbursement mechanism (IRM), at iba pa, ayon sa task force.
Binanggit din ng mga testigo ang mga butas sa legal department at IT office ng korporasyon na nagbigay daan umano para sa mga iligal na transaksyon.
Nagpulong ang task force, sa pangunguna ni Justice Secretary Menardo Guevarra, bago ang isinagawang pagdinig para “talakayin ang administrative at logistical na mga bagay patungkol sa kanilang tungkulin.”
“They agreed to conduct hearings as a whole even as member agencies continue their respective investigations and audits (Napagpasyahan nilang isagawa ang pagdinig nang buo bagama’t nagsasagawa ng kanya-kanyang imbestigasyon at audit ang mga miyembrong ahensya),” paliwanag ng task force.
Kabilang sa panel ang Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Presidential Anti-Corruption Commission, Office of the Special Assistant to the President, Anti-Money Laundering Council, National Bureau of Investigation at National Prosecution Service.
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng nasabing multi-agency task force para paimbestigahan ang mga alegasyon ng kurapsyon sa loob ng PhilHealth.
Nahaharap din ang PhilHealth sa imbestigasyon sa Kongreso dahil sa alegasyon ng sistematikong kurapsyon matapos akusahan ng nagbitiw na anti-fraud officer na si Thorrsson Montes Keith ang ilang mga opisyal dahil sa pagnanakaw ng aabot sa P15 bilyong pondo ng ahensya.