Pumapayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa kahilingan ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) president at CEO Ricardo Morales na makipag “heart to heart” na usapan habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon tungkol sa mga anomalyang bumabalot sa ahensya, ayon sa Malacañang.
Noon pa man ay gusto nang makausap ni Morales ang pangulo nang masinsinan.
“Hindi pa pero naghahanap ako ng pagkakataon para kami ay magka-heart-to-heart,” wika ni Morales.
Bagama’t bukas ang pangulo sa hiling ni Morales, itutuloy pa rin umano ang utos ni Duyerte na paimbestigahan ang mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa kurapsyon, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
“Well, bukas naman po ang pinto ng Malacañang para kanino pero umuusad na po iyong imbestigasyon at sigurado naman po ako na dahil binuo iyan ni Presidente, eh magkakaroon na po iyan ng sariling buhay at sariling identity ang task force na iyan,” ani Roque.
Nagbanta naman kamaikailan si Duterte na “yayariin” nito ang mga opisyal na dawit sa kurapsyon sa loob ng PhilHealth. Subalit, wala pa namang binabanggit na pangalanan ang pangulo.
Iginiit naman ni Roque na hihintayin muna ng pangulo ang magiging resulta ng imbestigasyon bago magpasya kung sino ang tatanggalin nito sa puwesto.