Nograles: ‘Big brother’ strategy na ginamit sa Cebu, makatutulong din sa ibang MECQ areas

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Cabinet Secretary Karlo Nograles

Ang pagtatalaga sa mga miyembro ng Gabinete para pangasiwaan ang Covid-19 response strategies ng mga lungsod at lalawigang nasa ilalim ng lockdown ay makapagpapaigting sa kabuuang pandemic response at makapagpapabagal ng impeksyon, ayon sa isang opsiyal ng Malacañang.

Sinang-ayunan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, na siya ring co-chair ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ang pagtatalaga ng mga tinaguriang “big brothers” at “big sisters” sa bawat lungsod at munisipalidad sa Metro Manila, pati na rin sa Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, para umano sa mas maayos na koordinasyon ng mga palisiya.

Nabuo ang ideya matapos mapagtagumpayan ng pamahalaan ang pagtugon sa pagtaas ng bilang sa mga kaso sa Cebu City noong Hunyo. Isinailalim ng lungsod nang isang buwan sa pinakamahigpit na lockdown sa pangangasiwa ni Environment Secretary Roy Cimatu para tugunan ang mga isyu sa testing, contact tracing, isolation, at treatment ng mga pasyente.

Ang response ay pangungunahan pa rin ng mga pamahalaang lokal, subalit magsisilbi umanong “tulay” ang mga miyembro ng Gabinete sa national task force.

Kinuwestyon naman ni Senador Nancy Binay ang bagong plano na hindi aniya maganda ang naging preparasyon. Pinabulaanan naman ito ni Nograles dahil mabibigyan aniya nito ang IATF ng panibagong pananaw sa kung paano matutugunan ang mga problema sa lokalidad.

Si Nograles, kasama si Health Secretary Francisco Duque III, ay na-assign bilang caretakers ng Quezon City, na may mahigit 8,000 cases. Ayon kay Nograles, nakipag-ugnayan na siya sa city government para makabuo ng six-step approach, na kabilang ang estratehiya para makontrol ang local transmissions, palawigin ang health system capacity, tukuyin ang areas ng outbreak, at i-manage ang “importation” risks o ang paglilipat ng mga pasyente mula sa ibang lugar.

Nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na walang awtoridad ang Cabinet officials na harangin o mag-utos ng panibagong mga panuntunan sa mga lugar na kanilang hinahawakan.

Gayunpaman, naniniwala si Nograles na makatutulong para sa IATF ang mapag-alaman ang sitwasyon sa lokalidad at magkaroon ng “bird’s eye view” sa national situation. Ang set-up na ito ay makatutulong aniya para sa epektibong komunikasyon sa pagitan ng IATF at LGUs.

“I guess with the number of cases rising, mas marami siguro ‘yung concerns na kailangang bigyan ng mabilis na solusyon. It’s really a learning process for all countries and all governments,” ani Nograles.

Pagpapasyahan ang panibagong quarantine protocols ng Metro Manila sa Agosto 17.

Nauna namang sinabi ni Roque na malaki ang posibilidad sa pagpapagaan ng quarantine protocols dahil sa bumubuting sitwasyon at kawalan ng pondo para tustusan ang mga mahihirap na pamilyang pinakaapektado ng lockdown.

“There is some wisdom naman in less restrictive category as long as i-impose natin yung mga localized lockdowns, especially kung saan nagkakaroon ng mga clustering of cases,” paliwanag naman ni Nograles.

LATEST