Manila LGU, bumili ng 2,000 vials ng Remdesivir para sa mga COVID patients

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan at Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng Maynila

Bumili ang Lungsod ng Maynila ng 2,000 vials ng Remdesivir para sa pagpapagamot ng Covid-19 patients sa mga district hospitals nito.

Sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Agosto 13 na naglaan ang pamahalaang lokal ng ₱13 milyon para sa pagbili ng nasabing gamot.

Ang orihinal nitong presyo ay nasa ₱20,000 bawat isa, subalit nakabili ang lungsod sa halagang ₱6,500 lamang.

Ayon kay Yorme, ang mga gamot ay gagamitin para makatulong sa ginagawang hakbang ng bansa para tugunan ang Covid-19 krisis. Ang Remdesivir ay gagamitin para gamutin ang mild, moderate, at severe Covid-19 patients sa anim na pangunahing health care facilities sa lungsod.

Ito ay ipapamahagi sa Ospital ng Tondo, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Maynila, at Sta. Ana Hospital — ang Covid-19 referral hospital ng lungsod.

Idiniin naman ni Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na hindi ibebenta ang mga ito.

“Kung saka-sakali kakailanganin pa, bibili pa po tayo… mapataas lang namin ang probabilidad na kapag kayo ay na-infect ng COVID-19, kayo ay mag-recover,” dagdag naman ni Domagoso.

Ang Remdesivir ay isang antiviral medication na malawakang ginagamit bilang karagdagang medikasyon para sa severe Covid-19 patients. Ito ay bahagi ng mga gamot na kabilang sa Solidarity Trial ng World Health Organization.

Ipinahayag naman ng Department of Health na naging positibo ang epekto ng naunang clinical trials nito sa mga pasyente, subalit hindi pa umano “conclusive” ang datos.

LATEST