Inurong ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase para sa school year 2020-2021 sa Oktubre 5, 2020.
Inanunsyo ito ni DepEd Secretary Leonor Briones sa isang virtual press briefing noong Agosto 14.
“We trust that this is the final adjustment of the school opening. Even with the implementation of modified enhanced community quarantine (MECQ), we will use this time to make the necessary adjustments and ensure that all preparations have been made for the successful opening of classes for School Year 2020-2021 (Tiwala kaming ito na ang huling pagbabago sa pagbubukas ng klase. Kahit nasa ilalim ng MECQ, gagamitin namin ang oras na ito para tiyaking sapat ang preparasyon para sa matagumpay na pagbubukas ng klase para sa School Year 2020-2021),” giit ni Briones.
Unang itinakda ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Nilinaw naman ng kalihim na wala pa ring magaganap na face-to-face classes sa pagbubukas ng klase sa Oktubre.
Maaari namang ipagpatuloy ng mga pampribadong paaralan ang pagdaraos ng klase kung naumpisahan na ito.
“Kung pipigilin namin sila eh nakaumpisa na, kuntodo involvement na ng mga parents tapos titigilan natin, that would not be useful at all,” ani Briones.
Gagamitin umano ng ahensya ang oras para tugunan ang “logistical limitations” na kinakaharap ng mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.