Bong Go: DepEd, hindi pa handa sa pasukan; Pagbubukas ng klase dapat iurong sa Oktubre

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Senador Christopher “Bong” Go

Hinikayat ni Senador Christopher “Bong” Go ang Department of Education (DepEd) noong Agosto 13 na iurong ang pagbubukas ng klase sa Oktubre, dahil kinakailangan pa umano ng mas maraming oras para ihanda ang mga guro, magulang, at mga mag-aaral para sa iba’t-ibang uri ng distance learning sa ilalim ng new normal.

Aniya, “Kung hindi pa handa, huwag nating pilitin. Magiging kawawa ang mga estudyante, kawawa ang mga teachers”.

“Hirap na po ang mga Pilipino, huwag na nating dagdagan pa ng pressure ang mga bata at mga magulang nila,” dagdag pa ni Go.

Naunang ipinasa ng Kongreso ang isang panukalang magpapahintulot sa DepEd na iurong ang pagbubukas ng klase mula Agosto, subalit idiniin ni DepEd Sec. Leonor Briones na tuloy pa rin ang itinakdang pagbubukas sa Agosto 24.

Ang distance learning ay isasakatuparan sa pamamagitan ng online, TV, radyo, o printed materials para maibsan ang posibilidad na mahawa ang mga guro at estudyante sa Covid-19.

Gayunpaman, tinatapos pa rin ng DepEd ang printing ng self-learning modules para sa mga estudyante, habang kinakailangan naman ng mga guro at mag-aaral ang mas mahabang panahon para sanayin ang kanilang mga sarili sa isasagawang distance learning, ayon kay Go.

“Kung tayo nga dito sa Senado ay nahihirapan sa transition to online, paano pa kaya sila?” giit ng senador.

“Ang internet hindi rin reliable, tapos ‘yung offline modes of learning naman pinaghahandaan pa rin… Ayaw nating maipasa ang burden sa estudyante at ma-pressure sila dahil sa makabagong paraan ng pag-aaral kung hindi pa naman po handa ang lahat,” dagdag pa ni Go.

Pareho rin ang naging rekomendasyon ni Senate Basic Education Committee chair Sen. Sherwin Gatchalian matapos mapag-alamang isasapinal pa ng DepEd ang Covid-19 program nito para sa mga guro.

“Very disappointing kasi giyera ‘yung pupuntahan natin tapos ang mga sundalo natin walang proteksyon,” ani Gatchalian.

Dagdag pa niya, “Ang importante ngayon ay ang assurance sa ating teachers na aalagaaan namin kayo, may pondo kami dito, may partnership with PhilHealth at kahit anong mangyari sa inyo okay kayo”.

Hinikayat din ng grupong Alliance of Concerned Teachers ang mga senador na maghain ng resolusyon para kumbinsihin si Pangulong Rodrigo Duterte na i-postpone ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.

Hindi na bababa sa dalawang linggo bago ang pagbubukas ng klase, subalit 38 percent lamang aniya ng school division offices ang “half ready” pagdating sa printed modules batay sa datos ng DepEd, dagdag pa ng grupo.

Diin ng grupo, hindi dapat balewalain ang kawalan ng printed modules.

LATEST

LATEST

TRENDING