Robredo, nais ipatupad ang Covid-19 testing para sa mga guro at fund realignment para sa distance learning

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Hinihikayat ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng Covid-19 mass testing para sa mga guro, pati na rin ang paglalaan ng pondo para sa physical check-ups, gamot, safety gear, at hazard pay nila. 

Sa kanyang ipinadalang liham para kay DepEd Secretary Leonor Briones, iminungkahi ng pangalawang pangulo ang pagkakaroon ng “Covid-19 mass testing mechanism” na para lamang sa mga guro, kung saan gaganapin ang testing at paglalabas ng resulta bago mag-umpisa ang klase.

Ayon kay Robredo, maaaring gamitin ng ahensya ang inilaang P29.5 bilyong pondo para sa rehabilitasyon ng school buildings, sapagkat hindi na ito prayoridad dahil sa pagtransisyon ng bansa sa distance learning.

Aniya, “This amount can be used to procure the needed gadgets and equipment for distance learning, as well as address the health concerns of educators (Ang pondong ito ay puwedeng ipambili ng gadgets at kagamitan para sa distance learning, pati na rin ang pagtugon sa problemang pangkalusugan ng mga guro)”.

Naglaan din ang DepEd ng P700 milyon para sa training ng mga guro ngayong taon. Subalit, karamihan ng mga training na ito ay gaganapin na lamang online at makatitipid ang departamento ng travel at lodging expenses.

Kaya puwedeng ilaan ang nasabing pondo para sa testing ng mga guro, giit ni Robredo.

Nakatakdang magbukas ang klase sa Agosto 24, kung saan may iba’t-ibang opsyong ipatutupad ang DepEd para sa distance learning, katulad ng printed at digital modules, online classes, telebisyon, at radyo. 

Samantala, tinatayang 14 milyong mga tahanan at 34,700 na mga paaralan ang walang access sa internet. 7 milyon lamang mula sa 20 milyong mga pampublikong paaralan ang nag-subscribe sa DepEd Commons, isang platform kung saan maaaring makapag-access ng mga aralin.

Perhaps it would be prudent for government to devote significant resources in setting up internet hubs in schools and communities, so that the gaps in access are addressed (Siguro tama lang para sa pamahalaan na maglaan ng resources para sa pagtatatag ng internet hubs sa mga paaralan at komunidad, para matuguan ang problema sa internet),” dagdag pa ni Robredo.

Hinikayat din ng pangalawang pangulo ang ahensya na magpalaganap ng impormasyon kung paano makakukuha ang mga guro ng printed learning modules at kung sino ang magbabayad ng printing at distribusyon. 

Nauna namang sinabi ng DepEd na hindi kaya ng badyet nito ang itest ang lahat ng mga guro para sa Covid-19 subalit mayroon naman itong testing protocol sa health standards nito.

Ang nasabing protocol ay nagpapahintulot na matest ang mga manggagawa sa sektor ng edukasyon na nagpapakita ng sintomas ng Covid-19 o di kaya kung may nakasalamuha itong Covid-19 positive na pasyente.

LATEST

LATEST

TRENDING