Nawalan umano ang Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) ng P15.4 bilyon mula 2014 hanggang 2018 dahil sa pamemeke ng pneumonia claims, ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo noong Agosto 13.
Sa isang pahayag, idenetalye ni Quimbo ang pagkawala ng nasabing pondo dahil sa pekeng claims ng PhilHealth para sa pneumonia, kung saan nagkakaroon ng claims mula sa ghost pneumonia patients o di kaya dahil sa “upcasing.”
Ang upcasing ay ang pakikipagsabwatan ng mga opsital at PhilHealth, kung saan nagsusumite ang ospital ng claims para sa pneumonia — na aabot sa P15,000 hanggang P32,000 bawat pasyente, depende sa kondisyon — kahit may simpleng sipon o ubo lamang ito.
Ayon sa estimate ni Quimbo, umabot sa P.36. bilyon ang nawala sa PhilHealth dahil sa pekeng pneumonia claims, na maaari sanang nagamit para sa gamutan ng mga Covid-19 patients.
Noong 2018, umabot sa 757,266 ang claims ng PhilHealth para sa pneumonia, o mahigit 253,383 mula sa estimated number ng pneumonia patients batay sa morbidity data ng Department of Health (DOH), dagdag pa ni Quimbo.
“In short, mas madami pa na sumingil sa PhilHealth para sa pneumonia kumpara sa bilang ng DOH ng nagkaroon ng pneumonia,” diin ng kongresista.
Nakuha ni Quimbo ang datos sa pamamagitan ng pagbawas ng morbidity data ng DOH mula sa aktwal na pneumonia claims na binayaran ng PhilHealth.