Planong umpisahan ng Pilipinas at Russia ang phase 3 clinical trials ng bagong kagagawang Russian Covid-19 vaccine sa Oktubre, ayon sa Malacañang noong Agosto 13.
Ang nasabing tests ay magtatagal hanggang Marso 2021 at gaganapin nang sabay sa Manila at Moscow, paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Popondohan naman ng Russia ang gaganaping trials sa Pilipinas.
Ang Phase 3 clinical trials, ayon sa website ng Food and Drug Administration (FDA), ay lalahukan ng 300 hanggang 3,000 volunteers na mayroong sakit o kondisyon, kung saan susuriin ang pagiging epektibo ng bagong yaring gamot.
“Mula Oktubre naman po hanggang Marso ng susunod na taon ay magkakaroon ng clinical trial phase 3. Simultaneous po ‘yan sa Russia at Pilipinas,” ani Roque.
Voluntary basis umano ang magiging takbo ng trials, dagdag pa ng tagapagsalita ng pangulo.
Aniya, “Wala pong sapilitan ‘yan. Kung sino lang po ang gusto mag-volunteer, puwedeng magpasaksak”.
Naunang idineklara ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia na ang kanyang bansa ang kauna-unahang nakapag-apruba ng bakuna kontra Covid-19 noong Agosto 11 bagama’t ngayong linggo lamang inumpisahan ang huling stage testing nito.
Ang bakunang “Sputnik V” ng Russia ay ginawa ng Gamaleya research institute sa pakikipagkoordinasyon sa Russian defense ministry.
Nagboluntaryo naman si Duterte na mapabilang sa mga unang makatatanggap ng nasabing bakuna para mapatunayan ang kaligtasan at pagiging epektibo nito.
Ayon naman kay Roque, inaasahan ng pamahalaan na mairerehistro ang Russian vaccine sa Food and Drug Administration sa Abril 2021.
Ito ay nangangahulugang sa Mayo 2021 pa ang pinakamaagang panahon na mabibigyan ng bakuna si Duterte.
“Inaasahan natin na pupuwedeng magpabakuna ang ating Presidente dito po sa Russian na bakuna sa Mayo 1, 2021,” paliwanag ni Roque.
Samantala, inanunsyo naman ni Dr. Jaime Montoya, executive director ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) sa loob ng Department of Science and Technology (DOST), na naghahanap ang kanyang ahensya ng 1,000 na mga Pilipinong lalahok sa clinical trials.
“’Pag ito ay na-approve saka sisimulan ang clinical trial Phase III na sinasabing about 1,000 people ang magiging involved,” ani Montoya.
Isa si Montoya sa mga DOST officials na nakipagpulong sa Gamaleya Research Institute noong Agosto 12 para talakayin ang posibilidad ng pagdaraos ng clinical trials sa bansa at ang pagkakaroon mismo ng bakuna kung maaprubahan na ito.
Sa ginanap na pagpupulong, sinabi ng Gamaleya na inaprubahan nito ang limitadong paggamit ng bakuna para sa health workers at iba pang high-risk na populasyon.
Gayunpaman, itutuloy pa rin aniya ang Phase III trials na lalahukan ng libu-libong boluntaryo para suriin ang kaligtasan at pagiging epektibo ng bakuna.
“Kung maaayos natin ‘yung confidentiality data agreement at mapag-aralan natin ng sapat ‘yung data nila from the Phase I and Phase II, mga September po. But best case scenario ‘yan,” giit ni Montoya.