Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) noong Agosto 13 na nagpatupad na ito ng mga hakbang matapos punain ng ilang netizens ang pag-ere ng isang pangungusap na may maling grammar sa test broadcast ng DepEd TV.
Nag-viral sa social media kamakailan ang larawan ng isang tanong mula sa programa ng DepEd TV na nagtuturo ng English: “Tagaytay City is known for wonderful picturesque of the majestic Mount Taal. What does picturesque mean?”
Ayon kay DepEd Secretary Briones, may “pagkakamali” sa naging pagsalin ng mga aralin sa video, na mula sa Bureau of Curriculum Development ng ahensya.
“Ang original [material] walang error, it was in the transferring into the video form (nagkamali sa pagsalin sa video),” paliwanag ni Briones.
Dagdag pa ng kalihim, “Nag-institute na kami ng control measures para hindi iyon mauulit”.
Kasalukuyang nagpapatupad ang DepEd ng test broadcast para sa mga educational programs nito, habang isa ang TV-based instruction sa mga pamamaraan ng distance learning na gagamitin sa darating na pasukan, na nakatakdang mag-uumpisa sa Agosto 24.
Ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pisikal na pagdaraos ng klase sa buong bansa habang wala pang bakuna kontra Covid-19.