PhilHealth, wala pa ring reimbursment sa 120 ospital para sa Covid treatment – medical group

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Marami pang pampribadong mga ospital ang hindi pa nakatatanggap ng medical reimbursements mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa paggamot ng Covid-19 patients, ayon sa opisyal ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) noong Agosto 12.

Ito ay kasabay ng pagputok ng mga alegasyon ng katiwalian sa PhilHealth, katulad ng sistematikong pagnanakaw, overpriced procurement, piling reimbursement sa pinapaborang mga ospital, at overpayment sa ibang medical facilities, ayon sa mga nagbitiw na opisyal ng ahensya.

“Marami pa rin ang ‘di nakakatanggap. ‘Yung ang ipinagtataka namin kasi sa huling list namin around 120 plus pa na miyembro namin ang hindi pa nabigyan pero may bago silang release nitong July 31 supposedly,” ani PHAPI Executive Director Dr. Jose Rene De Grano.

Bilang state health insurer, sinasagot ng PhilHealth ang ilang bahagi ng medical bills ng mga miyembro nitong nagbabayad ng buwanang premium.

Ayon kay De Grano, ipinagtataka rin ang kanyang grupo kung bakit ang end-July release ng internal reimbursement mechanism (IRM) ng PhilHealth ay kinabibilangan ng maraming dialysis centers.

Aniya, “Ngayon naglabas sila ng P1.7 billion na bagong release nila na IRM July 31, ang madami dito dialysis centers, ‘yun ang ipinagtataka namin”.

Sa ginanap na pagdinig sa Senado noong Agosto 11 ukol sa mga anomalya ng PhilHealth, kinuwestyon ng mga mambabatas ang paglabas ng P27 bilyong IRM noong Enero, na dapat ay ilalaan para sa Covid-19 pandemic.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado ang mga isyu ng katiwalian sa PhilHealth dahil sa mga alegasyong binulsa umano ng ilang mga opisyal ng ahensya ang aabot sa P15 bilyong pondo nito.

Samantala, ipinakita naman ni De Grano na malakaing bahagi ng claims ng mga pampribadong ospital ay tinatanggihan umano sa pamamagitan ng automated assessment.

“Halimbawa 100 na-file naming claims, may babalik sa iyo na around 30 percent of that na sasabiin sa inyo denied ang inyong claim o return to hospital,” paliwanag niya.

Dagdag pa, “Ibig sabihin mali daw proseso na ginawa ng ospital. Ang masama nito, ang nakalagay sa kanila system… system daw po ang gumagawa. Ibig sabihin parang ang nagche-check ng aming mga claims ay computer.”

LATEST

LATEST

TRENDING