Nakatakdang dumalo si Health Secretary Francisco Duque III sa pagpupulong ng Senado sa susunod na linggo hinggil sa katiwalian sa PhilHealth, ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri noong Agosto 12.
Si Duque, bilang kalihim ng Department of Health (DOH), ang nagsisilbing chairperson ng PhilHealth. Naging pangulo at CEO rin ito ng ahensya mula 2001 hanggang 2005.
“Yes, I believe he will be in the third hearing. He’ll be attending. A lot of our colleagues have a lot of questions for him. Obviously the buck stops there, he’s chairman of the PhilHealth. He used to be PhilHealth president as well. I’m sure he knows about the shenanigans (Naniniwala akong dadalo siya sa ikatlong pagdinig. Maraming katanungan ang ilang mga senador para sa kanya. Alam kong may alam siya kasi siya ang chairman ng PhilHealth. Dati rin siyang pangulo nito),” giit ni Zubiri.
Noong nasa PhilHealth pa si Duque, napag-alaman ng University of the Philippines National Institutes of Health ang ilang katiwalian ng ahensya sa paggastos ng pondo nito noong 2004, 2008, at 2009, ayon naman kay Senador Risa Hontiveros.
“The past 2 decades si Secretary Duque lang ‘yung may institutional memory tungkol sa PhilHealth. So maitatanong talaga natin hanggang saan ang involvement at ang kaalaman ni Secretary Duque sa lahat ng mga problemang ito,” ani Hontiveros.
Noong 2004, nasa PhilHealth din umano si Duque nang ginamit ang P500 milyong pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para bumili ng PhilHealth cards na naglalaman ng pangalan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na noo’y tumatakbo sa pagkapangulo.
Dagdag pa ng senadora, “Nasan si Duque, he’s been associated with the PhilHealth board for 2 decades straight except for 1 year so why is he silent (nasa PhilHealth board siya nang halos dalawang dekada maliban sa isang taon, bakit siya nananahimik)?”
Ilang beses nang ipinanawagan ng mga senador ang pagbibitiw ng Duque bilang pinuno ng DOH dahil sa “kapalpakan” umano ng pamamalakad nito sa pagtugon sa Covid-19 krisis.