Duque: Bakuna kontra Covid-19 mula Russia, kailangan pang pag-aralan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Health Secretary Francisco Duque III

Hindi pa aprubado ni Health Secretary Francisco Duque III ang bagong gawang bakuna kontra Covid-19 mula Russia dahil kinakailangan pa aniya ang mas maraming impormasyon at mabusising pag-aaral tungkol dito.

“Depende pa ‘yan. We have to learn more about it (Kailangan pa nating mas alamin ito),” tugon ni Duque sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinanggap niya ang alok ni Russian President Vladimir Putin na bibigyan ang Pilipinas ng naturang bakuna.

Handa rin umano si Dutete na sumabak sa clinial trial para masubukan ang nasabing bakuna.

Pinangalanan naman ng Russian health ministry na “Sputnik V” ang bakuna — bilang pagkilala sa kauna-unahang satellite sa mundo, ang Sputnik, na inilunsad ng Soviet Union noong Oktubre 4, 1957.

Inaprubahan ang “Sputnik V” nang wala pang dalawang buwan sa isinagawang human testing.

Ginawa ang bakuna ng Gamaleya research institute sa pakikipagkoordinasyon sa Russia defense ministry.

“Wala pa tayong documents, we need more information,” diin ni Duque.

Sumang-ayon din ang kalihim kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa susuriin ng Department of Health (DOH) ang bakuna galing Russia dahil sumasailalim pa ito sa Phase 3 ng clinical trials.

“Hindi pa po nakakapaglabas ng resulta ang Phase 3 ng clinical trials rito, although sinasabi nila na maganda at okay naman siya. Kailangang antayin po natin ang magiging resulta [ng clinical trials],” giit ni Vergeire.

Samantala, ipinahayag naman ni Food and Drugs Administration (FDA) director general Eric Domingo na ire-review ng ahensya ang bakuna galing Russia.

Ayon kay Domingo, ang pag-review sa bakuna ay magtatagal nang dalawa hanggang apat na linggo.

Aniya, “Ang FDA, sinusuri niya lahat ng data. Kailangan maipakita po sa amin ‘yung data, findings, tsaka ‘yung scientific na mga information about the vaccine to assure na safe siya at tsaka effective siya”.

Umabot na sa 139,538 ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa, Sa bilang na ito, 68,432 na ang nasawi habang 2,312 naman ang namatay. Nasa 68,794 naman ang bilang ng active cases. 

Binigyang diin naman ni Vergeire na hindi pa tiyak kung magiging available na ang “Sputnik V” sa Disyembre.

“Hindi pa po natin masabi kasi nasa Phase 3 pa lang ng clinical trials. Makikita po natin kung paano magpo-progress ito,” wika ni Vergeire.

Dagdag pa niya,  “Itong bakuna galing Russia… ito ay nasa Phase 3 ng clinical trials. Kailangang tapusin muna Phase 3 clinical trials”. 

Binanggit din ng opisyal na bukod sa Russia, kinokonsidera rin ng Russia ang lima pang ibang bakuna mula sa ibang mga bansa. Pinag-aaralan aniya ng Department of Science and Technology (DOST) kung alin sa anim na bakuna ang makabubuti para sa bansa.

Paliwanag niya,  “Iyong DOST, may vaccine experts po tayo roon. May anim na bakuna na all over the world na nasa Phase 3 ng clinical trials”.

“Nag-meeting kami last week, at pinakita nila ang iba’t ibang characteristics ng bawat bakuna, ang main function nito, kung saan makakatulong at saka iyong disadvantage, kung ilan iyong masu-supply ng bawat manufacturer,” dagdag pa ni Vergeire.

LATEST

LATEST

TRENDING