Estilo ng contact tracing na hango sa Baguio City, parang ‘panliligaw lang’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Baguio City Mayor Benjamin Magalong

Naungusan na ng Pilipinas ang Indonesia bilang bansang may pinakamaraming Covid-19 cases sa Southeast Asia. Batay sa datos noong Agosto 10, pumalo na sa 136, 638 ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa.

Nangako naman ang pamahalaan na papaigtingin nito ang contact tracing habang sumasailalim sa dalawang linggong lockdown ang Metro Manila at apat na karatig-lalawigan.

“Parang nanliligaw ‘to na kahit basted ka na, tuluy-tuloy ka lang talaga kasi nga, gusto mong makakuha ng impormasyon,” paliwanag ni Col. Rolly Balasabas, police chief ng Navotas City, habang inilalarawan ang kanyang isinasagawang contact-tracing teknik na hango sa “Magalong model” ng Baguio City.

Ang nasabing model, na dinivelop ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ay gumagamit ng police investigation skills at mas personal na estilo para kunin ang tamang datos ng Covid-19 patients at mga nakasalamuha nito.

Sa Lungsod ng Valenzuela naman, nagkakaproblema ang contact tracing matapos hindi na mahagilap ang mga residenteng sumailalim sa swab tests, dahil sa takot at stigma na maaaring idulot kung sakaling magiging positibo ang resulta ng mga ito.

Ang ibang pasyente naman aniya ay nagbibigay ng ibang address o contact number na pag-aari ng iba, ayon kay Dr. Maria Elizabeth Cruz, miyembro ng epidemiology surveillance unit ng lungsod.

“Ilang beses kami nasigawan,” giit ni Cruz.

Sinusundo ng city health officers habang nakasuot ng protective gear ang mga Covid-positive patients sa kani-kanilang mga tahanan kung saan sumasailalim din sa swab test ang iba pang miyembro ng pamilya. Habang hinihintay ang resulta, na inaasahang lalabas sa dalawa hanggang tatlong araw, isinasailalim sa lockdown ang bahay, kung saan babantayan ito ng pulis o barangay tanod na naka-tent sa labas ng bahay.

“Yung stigma ba na alam ng mga kapit-bahay mo, ‘Ah, may positive dyan kaya nagpa-test sila,’” ani Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.

Samantala, nagtakda naman ng 24 hanggang 48 na oras ang pamahalaang lokal ng Navotas para makumpleto ang contact tracing, na mas nagiging mahirap kung hindi aniya nagbibigay ng tamanag impormasyon ang mga residente, ayon naman kay Navotas City Mayor Toby Tiangco.

Mahirap na raw kung lalagpas sa itinakdang target ang contact tracing dahil mas maraming mga kaso ang kinakailangang ikumpirma sa susunod na raw na sasailalim din sa parehong proseso.

Aniya, “Patong nang patong yan kaya ‘di pwedeng ma-delay”.

Kabilanag naman sa 13 contact teams ng lungsod ang isang pulis at isang health care worker, ayon kay Balasabas.

Gayunpaman, mahirap pa rin umanong maabot ang ilang residente, dahil ilan sa mga ito ang nagpapalit ng numero o lumilipat ng tirahan matapos sumailalim sa swab test, wika ni Tiango na nagbabala na ipopost niya sa social media accounts ang pagkakakilanlan ng mga unresponsive patients na ito.

“Hindi naman ako nananakot. Tototohanin ko talaga yan,” babala ng alkalde.

LATEST

LATEST

TRENDING