Duterte sa mga tiwaling PhilHealth officials: “Yayariin ko kayo”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 10 na hahabulin niya ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na sangkot sa mga tiwaling aktibidad.

Titiyakin umano ng pangulo na mapapanagot ang mga kurap na opisyal.

Inabisuhan naman niya ang mga inosente na ipagpatuloy lamang ang kanilang trabaho.

Aniya, “Itong PhilHealth, sabi ko yayariin ko kayo. Maniwala kayo. Yung mga inosente naman wala kayo dapat i-ano. Tahimik lang kayo at continue working”.

“Pero ‘yung, ngayon ito, nakalusot kayo sa ibang maybe presidente. Sa akin, sadsad talaga kayo, maniwala kayo,” dagdag pa ni Duterte.

Hindi naman nagbanggit ng pangalan ang pangulo.

Kasalukuyang sumasailalim sa imbestigasyon ng Kogreso si PhilHealth President at CEO Ricardo Morales, at iba pang mga opisyal ng ahensya, dahil sa umano’y mga maanomalyang transaksyon kabilang ang overpriced computers at iba pang materyales sa loob ng korporasyon.

Tinanggihan naman ni Morales ang mga alegasyon at iginiit na sinasabotahe lamang ng mga “kurap na opisyal” ang modernization program ng PhilHealth na layong padaliin ang paghahanap ng mga iregularidad.

Ang naging pahayag ni Duterte ay ilang araw matapos niyang ipag-utos ang pagbuo ng isang inter-agency task force upang paimbestigahan ang PhilHealth.

Nauna namang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi aniya tatanggalin ni Duterte si Morales sa puwesto kung walang ebidensiya laban sa kanya.

Umani ng pambabatikos ang PhilHealth matapos ibunyag ng nagbitiw nitong anti-fraud officer na si Thorrsson Montes Keith, ang iba’t-ibat katiwalian sa ahensya kabilang ang pagbulsa umano ng mga opisyal ng tinatayang P15 bilyong pondo sa pamamagitan ng iba’t-ibang paraan.

Overpriced din umano ang ilang items nang milyun-milyon sa badyet ng IT department, ayon kay Keith.

LATEST

LATEST

TRENDING