Tinanggihan ng Department of Education (DepEd) ang mga panawagan na i-delay muna ang pagbubukas ng klase na itinakda sa Agosto 24, dahil hindi aniya ito makabubuti para sa mga mag-aaral.
“While the dialogue is going on sa social media, as far as we are concerned (Habang patuloy ang pag-uusap sa social media), talagang August 24 ang target date,” diin ni DepEd Secretary Leonor Briones noong Agosto 10.
Dagdag pa niya, “Kung masa-stuck tayo sa basic education, delayed din ang supply natin ng professionals na kailangan natin dito sa ating bansa… Ang mga bata, kung sila ang tatanungin, gusto nilang mag-aral talaga. Let us not wait na dadating ang panahon na wala na silang interes mag-aral”.
Ilang grupo ang nananawagan sa ahenysa na itulak muna sa ibang araw ang pagbubukas ng klase dahil hindi pa umano handa ang mga paaralan at guro.
Subalit, iginiit ni Briones na puspusan ang preparasyon para sa bagong modes ng pagtuturo na kinabibilangan ng internet-based sessions, radyo at TV broadcasts, at printed self-learning modules na nakadepende sa availability ng teknolohiya at sa gusto ng estudyante.
Ayon sa kalihim, oras na para ibalik ang klase sapagkat nagbukas na rin ng klase ang mga karatig-bansa katulad ng Thailand at Singapore, na magsasagawa nang muli ng pisikal na klase.
Kasalukuyang may pinakamataas na bilang ng Covid-19 cases ang Pilipinas sa Southeast Asia sa 129,913 batay sa datos noong Agosto 9, kabilang ang 67,675 recoveries at 2,270 deaths.
Ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pisikal na pagdaraos ng klase hangga’t wala pang natutuklasang bakuna kontra Covid-19.
Gayunpaman, walang rason kung bakit ipagpapaliban muna ang pagbubukas ng klase dahil 22.9 milyong estudyante na aniya ang nag-enroll para sa darating na academic year. Ang karagdagang delay at hindi umano mabuti para sa estudyante, ayon kay Briones.
Aniya, “May mga pag-aaral na nagpapakita na kung sobra-sobrang haba ang panahon na walang klase… kung lalampas tayo ng dalawang buwan, malilimutan ng mga bata kung ano ang itinuturo sa kanila. May mga pag-aaral din na nagpapakita na magkaroon ng problems ang mga bata kung prolonged na nasa bahay at hindi nag-aaral, you have problems of obesity.”
Ang pag-antala umano ng klase nang anim na buwan ay magiging taliwas sa personal development ng mga mag-aaral.