Kamara, inaprubahan ang panukalang magbibigay ng medical scholarships

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: The Straits Times

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at ikahuling pagbasa ang panukalang layong magbigay ng scholarships para sa aspiring medical students mgayong panahon ng Covid-19 pandemic.

Ipinasa ng mga mambabatas noong Agosto 10 ang House Bill 6756 o ang “Medical Scholarship and Return Service Program Act.”

Ayon kay Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, isa sa mga awtor ng bill, ang panukala ang “sagot sa kakulangan ng doktor sa rural areas”.

Tutugunan din ng panukalang batas ang kakulangan ng mga doktor sa mga lugar na apektado ng Covid-19 pandemic, dahil posibleng hikayatin ang scholarship recipients na magsilbi sa mga hot spots.

Sa ilalim ng bill, magbibigay ng medical scholarship at return service program para sa mga kwalipikadong mag-aaral ng mga state universities and colleges o sa mga private higher education institutions mula sa mga rehiyon na walang medical course.

Isang scholar lamang bawat munisipalidad ang tatanggapin. Kabilang sa ipapamahaging financial assistance ang libreng tuition at other school fees; libro, damit, accomodation, at transportation allowance; internship fees; medical board review fees; annual medical insurance; at iba pang education related-miscellaneous subsistence o living allowances.

Ang aplikante ay kinakailangang maging Filipino citizen, graduate o graduating student ng prerequisite course para sa doctor of medicine degree, pumasa sa entrance examination at nakapag-comply sa iba pang requirements ng state o private college o university kung saan niya nais mag-enroll, at nagkaroon ng national medical admission test score na pasok sa mandato ng Commission on Higher Education at cut-off na required ng state o private school kung saan niya nais mag-enroll.

Ang mandatory return service naman sa pagpasok sa medical service system ay magtatagal nang apat hanggang anim na taon para sa mga nasa ilalim ng four-year program, at pitong taon naman para sa mga sumailalim sa five-year program.

Sa ilalim din ng panukalang batas, obligado ang graduate na magsilbi sa kanyang munisipalidad nang hindi bababa sa apat na taon. Magbabayad naman nang doble sa halagang ibinigay ng pamahalaan, kung ang aplikante ay tatanggi sa itinakdang kondisyon.

LATEST

LATEST

TRENDING