Inaprubahan na ng Kamara noong Agosto 10 sa ikatlo at ikahuling pagbasa ang panukalang tutugon sa mga hamong kinakaharap ng bansa bunsod ng Covid-19 pandemic.
Sa botong 242-6 na walang abstention, inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang House Bill 6953 o Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), na isa sa mga panukalang nais bigyang prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte na binanggit sa kanyang ikalimang State-of-the-Nation Address (SONA) noong Hulyo 27.
Nakasaad sa bill ang paglalaan ng PHP162-bilyong standby fund para suportahan ang response measures laban sa Covid-19 krisis.
Sa isang talumpati, ipihayag ni House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi lamang binalangkas ang Bayanihan 2 bilang reaksyon sa Covid-19, bagkus ito ay pagresponde rin para sa mas malaking hamon ng “pagsasaayos ng lipunan at pagpapakalat ng yaman” sa iba pang mga rehiyon.
Dagdag pa niya, “We want Bayanihan 2 to be a living piece of legislation that will empower our industries and revitalize sectors of society that have been decimated by the virus or were otherwise forgotten or neglected in the past (Nais nating bigyang buhay ng Bayanihan 2 ang mga industriya at sektor ng lipunan na naapektuhan ng virus o di kaya ay napabayaan noon)”.
Ayon kay Cayetano, ang tatlong pangunahing sektor – agrikultura, turismo, at manufacturing, ang bubuo ng “spear-tip” para sa recovery effort ng bansa.
Sa ilalim ng panukala, PHP10 bilyon ang ilalaan bilang sabsidiya para sa National Health Insurance Program ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na gagamitin lamang para sa Covid-19 expanded testing at Covid-19 confinements.
PHP10.5 bilyon ang kabuuang ilalaan sa Department of Health para sa patuloy na employment ng emergency health workers; risk allowances para sa pampubliko at pampribadong health care workers (HCWs), libreng life insurance para sa lahat ng HCWs, HCW compensation para sa death at critical illness, at augmentation para sa operasyon ng mga opsital.
Nakapalooob din sa bill ang pagbibigay ng PHP20 bilyon para sa implementasyon ng akmang cash-for-work programs para sa displaced workers ngayong panahon ng pandemiya.
Kabuuang PHP12 bilyon naman ang igugugol para pondohan ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development, katulad ng emergency subsidy para sa mga lugar na isinailalim sa hard lockdown, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, at iba pa.
Mapupunta naman ang PHP51 bilyon sa mga government financial institutions (GFIs) bilang capital infusion para sa grant ng low-interest loans sa mga micro, small and medium enterprises at iba pang apektadong negosyo.
PHP3 bilyon naman ang ilalaan para sa pagbili ng face masks, personal protective equipment (PPE) sets, shoe covers at face shields na ipapamahagi sa lahat ng barangay health workers, barangay officials, at iba pang indigent persons na nangangailangan ng proteksyon kontra Covid-19.
Samantala, PHP4 bilyon ang gagamitin para sa pagtatayo ng mga temporary medical isolation at quarantine facilities, field hospitals, dormitories para sa front-liners, at pagpapalawig ng government hospital capacity sa buong bansa.
Kabilang din sa panukala ang iba’t-ibang uri ng ayudang pinansyal para sa mga apektadong sektor: PHP20 bilyon bilang low-interest credit para sa agriculture sector; PHP10 bilyon para sa mga programa ng transportation sector; at PHP10 bilyon para sa tourism development programs.
Para naman sa edukasyon, PHP3 bilyon ang ilalaan para sa smart, ICT-ready education facilities sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo; PHP4 bilyon bilang assitance sa Department of Education para sa paghahanda ng mga silid-aralan para sa digital education; PHP600 milyong halaga ng mga sabsidiya para mga kwalipikadong mag-aaral sa private tertiary education institutions; PHP300 milyon bilang sabsidiya para sa personnel ng private tertiary education institutions at part-time personnel ng state universities and colleges; at PHP1 bilyong karagdagang scholarship para naman sa Technical Education and Skills Development Authority.
Ang iba pang probisyon ay paglalaan ng PHP1.5 bilyong assistance para sa local government units, PHP180 milyon para pondohan ang allowance ng mga atleta, at PHP820 milyon para sa mga programa para sa migrant workers na pinangungunahan ng Department of Foreign Affairs.