Wala umanong privacy ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan, ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III noong Agosto 10 matapos magreklamo ang pinuno ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nalabag ang kanyang karapatan sa privacy nang isapubliko ang kanyang kondisyong medikal.
“I’ve said it before, when you hold a high public office, you are a servant of, and answerable to, the people. There is no privacy (Sinabi ko na ito dati, kung ikaw ay may mataas na katungkulan sa pamahalaan. Walang privacy),” ani Sotto bilang pagtugon sa pahayag ni PhilHealth President at CEO Ricardo Morales na hindi nirespeto ang kanyang privacy.
Dagdag pa ni Sotto, “If you cannot stand the heat, get out of the kitchen! (Kung hindi mo kaya ang init, lumabas ka sa kusina!)”
Nag-request si Morales sa Senado kung maaaring dumalo siya nang birtuwal sa halip na pisikal sa susunod na pagdinig, dahil sa kanyang gamutan para sa sakit na lymphoma o cancer of the lymph nodes simula pa noong Pebrero. Isinapubliko noong weekend ang medical certificate na kanyang isinumite sa Senado.
Subalit, sinabi ni Morales na “napahiya” siya sa ginawang pagsasapubliko ng kanyang kondisyon dahil layunin lamang aniya ng kanyang liham na mapasang-ayon ang Senado para sa kanyang hiling na online attendance sa isasagawang pagdinig tungkol sa mga alegasyon ng PhilHealth.
Balak naman ng PhilHealth chief na dumulog sa kanyang mga abogado tungkol sa insidenteng pagsaspubliko ng kanyang liham.
Aniya, “In PhilHealth, we’re very careful with our patients’ data, because it involves private and personal data. I feel that my privacy was violated when they published my medical certificate… But maybe the Senate, maybe they’re above the privacy law, I don’t know. I’ll have the lawyers look at it (Sa PhilHealth, maingat kami sa datos ng pasyente dahil personal ito. Pakiramdam ko nilabag ang aking privacy noong isinapubliko nila ang aking medical certificate… Subalit, baka mas mataas sa privacy law ang Senado, hindi ko alam. Papatingnan ko ito sa aking mga abogado)”.
Ang Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act ang batas na nagpoprotekta sa right to privacy at non-disclosure ng medical records ng mga pasyente.
Bukod kay Morales, nagpaalam din si PhilHealth executive vice president Arnel de Jesus na hindi siya makadadalo sa susunod na pagdinig sa Agosto 11 dahil sa “unforeseen medical emergency.”