Leachon: MECQ, dapat ‘isagad ng isang buwan’ upang tuluyang ma-flatten ang Covid-19 curve

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Dr. Tony Leachon

Iminungkahi ng isang dating adviser ng National task force Against Covid-19 noong Agosto 8, ang pagpapatupad ng isang malakihang lockdown para mapigilan ang lalo pang paglaganap ng Covid-19 sa bansa, habang patuloy ang pagtaas sa bilang ng mga kaso.

Sinabi ito ni Dr. Tony Leachon na nagbitiw mula sa task force noong Hunyo.

Aniya,  “Kung talagang MECQ ang gusto nila, isagad nila ng isang buwan tapos i-build up na ‘yung health care capacity. Magpa-flatten tayo ng curve”.

Ayon kay Leachon, maaari itong gamitin bilang oportunidad para ihanda ang publiko para sa pagdating ng bakuna sa Disyembre.

“Ngayon pa lang tayo umaarangkada sa health care capacity so one time, big time, and then dadating ang bakuna ng Disyembre, tamang-tama kasi ang mga countries sa mundo 3 buwan nilang na-flatten and curve, ‘yun ang timeframe,” ani Leachon.

Pumalo na sa 122,754 ang bilang ng mga Covid-19 cases sa bansa batay sa datos noong Agosto 7, kung saan ang Pilipinas na ang may pinakamataas na bilang ng mga kaso sa Southeast Asian bagama’t isa ito sa mga bansang nagpatupad ng pinakamahabang lockdown sa mundo.

Sa halip na ikumpara ang datos ng Pilipinas sa iba pang mga bansa, idiniin ni Leachon na dapat bigyan na lang ng atensyon ang sarili nitong metrics o baseline.

Dapat din umanong pagtuunan ng atensyon ang pagpapababa ng positivity rate, na nasa 11.9 percent sa kasalakuyan, kasabay ng pagtaas sa testing capacity.

“Nangangahulugan po ‘yan na talagang may local transmission,” giit ni Leachon.

Sa kaso ng Cebu, ang positivity rate nito ay nasa 33 percent noong Hunyo na kinalaunan ay bumaba sa 7 percent noong isinailalim ito sa enhanced community quarantine.

“Sa akin, OK ‘yang malantad positivity rate para alam ng tao, aware, tugusin natin para mapababa cases sa labas para walang ma-admit sa loob ng ospital,” wika ni Leachon.

Ayon sa doktor, mas positibo ang kanyang pananaw sa ngayon kumpara noong mga unang buwan ng pandemiya dahil mas marami nang testing centers at contact tracers sa bansa, kabilang na rin ang paglulunsad ng panibagong command center.

Dagdag pa niya, “Unang mga buwan mabagal tayo sa testing, sa contact tracing, may command center na tayo ngayon at maraming isolation areas”.

Umaasa si Leachon na magagawa ng Pilipinas ang ginawa ng Italy, isa sa mga pinakamalubhang bansang tinamaan sa Europa, kung saan kaisa sa laban kontra Covid-19 ang health experts hindi lamang sa pamahalaan.

Pinaigting umano ng Italy ang recruitment ng mga doktor sa paggawa ng desisyon hinggil sa Covid-19 krisis.

Iminungkahi rin ni Leachon ang pag-recruit ng mga “moonlighting” medical workers para tumulong sa laban kontra Covid-19 sa halip na ilipat ang manpower resources sa ibang lalawigan na posibleng magdulot ng imbalance sa bilang ng personnel sa partikular na lugar.

Ang tinutukoy ni Leachon ay ang mga nagtapos ng medisina ngunit hindi sumailalim sa residency program dahil sa mababang pasahod.

Ito raw umano ang solusyon sa lumalalang problema ng pagbawas sa human resources para matulungan ang mga health workers na pagod na dahil sa ilang buwang pananatili sa frontline kontra Covid-19.

Paglilinaw ni Leachon, “I think ‘yun ang solusyon dito. Marami sa kanila nasa bahay lang, unproductive. Ang iba d’yan nasa call centers. Dapat ‘yun ang irecruit nila”.

LATEST

LATEST