Binawian ng buhay ang isang drayber nang madisgrasya ang minamaneho nitong trak na may dalang concrete girder sa Quezon City noong Agosto 8.
Nagmistulang nayuping lata ang harapan ng trak matapos mabagsakan ng mismong concrete girder na karga nito.
40 tonelada ang timbang ng naturang concrete girder, na ginagamit sa mga column sa paggawa ng Skyway Stage 3 project.
Ayon kay Don Michael Bayangos, Search and Rescue Operations Supervisor ng Quezon City Disaster Office, nagtungo sila sa may E. Rodriguez Avenue bandang alas 11 ng gabi kung saan naganap ang aksidente at sinubukang iligtas ang drayner ngunit hindi na ito rumeresponde.
Base sa isinagawang imbestigasyon nila Bayangos, patungo sana ang trak sa Skyway Stage 3 project sa Sgt. Rivera Street nang apakan ng drayber ang preno bunsod ng iniiwasang sasakyan.
Subalit, dahil sa matinding bigat ng dalang concrete girder, dumulas aniya ito patungo sa uluhan ng trak at natulak ang tractor head kung nasaan ang driver.
Kinailangan namang gamitan ng hydraulic-powered na mga kagamitan kagaya ng spreader at cutter ang ginawang rescue operation para sa drayber.
Sa ngayon ay tumanggi munang maglabas ng pahayag ang pamunuan ng trucking company.