“Kontrolado” pa rin aniya ng Pilipinas ang Covid-19 pandemic, ayon sa vice chair ng National Task Force against Covid-19 na si Interior Secretary Eduardo Año noong Agosto 10.
Ito ay bagama’t nangunguna na ang Pilipinas sa bilang ng mga Covid-19 cases sa Asya.
Ayon kay Año, bubuti pa ang datos ng Covid-19 matapos isailalim muli sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Laguna, Bulacan, Cavite, at Rizal hanggang Agosto 18.
“We are still in control and we placed NCR (National Capital Region) and 4 provinces under MECQ because of course we know our hospitals are overwhelmed so we have tor restrict the movement of the people (Kontrolado pa rin natin ang sitwasyon at isinailalim natin sa MECQ ang NCR at apat na lalawigan dahil overwhelmed na ang ating mga ospital at kailangan nating higpitan ang paggalaw ng tao),” ani Año.
Dagdag pa niya, “Eventually we hope the numbers will improve and we always see the effect of an MECQ within incubation period of 14 days. It’s not just like magic that when we declare MECQ that everything is okay, we have to do a lot of efforts (Umaasa kaming bubuti ang kalagayan ng mga numero at makikita ang epekto ng MECQ sa loob ng 14 na araw. Hindi agarang bubuti ang sitwasyon sa pagdedeklara ng MECQ, marami ang dapat gawin)”.
Binanggit din ni Año na hinawaan ng mga pasyenteng nag-isolate sa bahay ang kani-kanilang mga kapamilya kaya nagkaroon ng pagtaas ng mga kaso sa lugar na may lockdown.
Kalahati ng mga Covid-19 patients sa Metro Manila ay naka-home quarantine, habang may 70 porsyentong mga kaso naman ang Laguna na nasa self-isolation, ayon kay Año.
“It’s not rocket science. People will always stick for comfort…knowing the Filipino culture, we are very close with each other, most of our kababayans are violating home quarantine. Some people would like to hide because they don’t want other people to know they’re positive…They may not be able to work (Hindi ito rocket science. Gugustuhin pa rin ng tao na maging malapit sa isa’t-isa, karamihan sa ating mga kababayan ay lumalabag sa home quarantine. May ilang tao namang nagtatago dahil ayaw nilang malaman ng iba na positibo sila… Maaari silang hindi makapagtrabaho),” paliwanag ng kalihim.
Gayunpaman, may “sapat na espayo” aniya ang mga pasilidad ng bansa para sa mga mild at asymptomatic patients.
Sa loob ng dalawang linggong lockdown, dapat paigtingin ng pamahalaan ang contact tracing at makapag-track ng hanggang 37 close contacts ng Covid-19 patients, wika ni Año.
Dagdag pa niya, “And we have to isolate and test these people but sometimes we are tracing too late. They have already infected many people before we are able to test and isolate these people (At kailangan nating i-isolate at itest ang mga taong ito ngunit minsan huli na ang tracing. Nakapanghawa na sila bago pa man matest at ma-isolate ang mga taong ito)”.
Bibigyang prayoridad din umano ang mga Covid-19 hotspots sa house-to-house checking ng sintomas.
Aniya, “We have teams working with the local government units (LGUs). We encourage our LGUs down to the barangay to do their effort (May mga teams tayo kasama ang LGUs. Hinihikayat namin ang mga LGUs pati na rin ang barangay na gawin ang bahagi nila). Habang maliit pa ang numero they should do those interventions.”
Batay sa datos noong Agosto 9, nasa 129,913 na ang kabuuang bilang ng Covid-19 cases sa bansa, na may 67,673 recoveries at 2,270 deaths.