PH, maipapanalo lamang ang laban kontra Covid-19 sa pakikipagkooperasyon ng publiko – mga opisyal

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Magiging matagumpay lamang umano ang laban kontra Covid-19 kung makikipagkooperasyon ang lahat, ayon sa ilang mga opisyal ng pamahalaan noong Agosto 8.

Sa ginanap na paglunsad sa ika-13 na quarantine facility ng Maynila sa Manuel L. Quezon University sa Quiapo, Manila, sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na balewala ang mga hakbang ng parehong nasyonal at lokal na pamahalaan kung hindi makikipagkooperasyon ang taumbayan.

Aniya, “All our efforts will be useless if people continue to go out, do not wear masks, do not wash their hands, and do not observe safe physical distancing. We have to take care of ourselves (Balewala ang ating mga hakbang kung patuloy na lalabas ang mga tao, hindi magsusuot ng mask, hindi maghuhugas ng kamay, at hindi oobserbahan ang physical distancing).”

Samantala, iginiit naman ni National Action Plan against Covid-19 deputy chief implementer Vivencio Dizon na maaari lamang labanan ng mga tao sa isang “matalinong pamamaraan” ang Covid-19 bukod sa pagtulong sa gobyerno.

Ayon kay Dizon, ang pinakamalaking responsibilidad sa paglaban sa pandemiya ay nasa taumbayan, sabay sabing malaki na ang maitutulong ng publiko sa pagsunod lamang sa health at safety protocols.

Malaki rin aniya ang papel ng LGU sa laban kontra Covid-19 katulad ng ipinamamalas ng Lungsod ng Maynila.

“Napakalaki po ng kailangan nating tulong mula sa ating local government, kaya nga bilib na bilib kami sa National Task Force sa leadership ni Mayor Isko at Vice Mayor Honey dahil sa Manila napakabilis nila umaksyon sa dapat gawin, katulad nitong mga quarantine facilities.” ani Dizon.

Maynila umano ang may pinakamataas na bed capacity sa bansa, kung saan mayroon itong mahigit 500-bed capacity para sa Covid-19 patients.

Dagdag pa ni Dizon, “This is what we need right now, aggressive testing and the immediate isolation of those who will be found positive of the virus because if a person positive with Covid-19 is left in the community, the possibility of infecting his family and the neighborhood is huge (Ito ang kailangan natin ngayon, agresibong testing at agarang isolation para sa mga magpopositibo sa virus dahil kung hahayaan lang ang positibong tao sa komunidad, malaki ang posibilidad na mahahawaan niya ang kanyang pamilya at mga kapitbahay)”.

Mas tama rin aniya ang serology testing machine sa drive-thru testing ng Maynila, walk-in, at mobile centers kumpara sa normal rapid test kit, subalit nilinaw din ni Dizon na hindi ito maaaring gamitin bilang stand-alone mode ng testing.

Ang RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction), ayon kay Dizon, ang dapat gamitin upang malaman “kung positibo sa Covid-19 ang tao at kung makakapanghawa ito sa iba”.

Sinabi rin ni Dizon na dapat mag-hire ng mas marami pang medical health care workers ang pamahalaan.

Dapat din aniyang itulak ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng health care workers reserve.

Ayon kay Dizon, inaasahang maghi-hire ng mas maraming health workers ang Department of Health (DOH) ngayong buwan.

LATEST