Mga dating empleyado ng PhilHealth, dumulog sa Senado para sa legislative immunity

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Joel Vidal (Senate PRIB)

Dumulog sa Senado ang Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth) whistleblowers na sina Thorrsson Montes Keith at Alejandro Cabading para sa legislative immunity, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga senador tungkol sa mga algeasyon ng katiwalian sa korporasyon.

Si Keith ang dating anti-fraud officer sa PhilHealth, habang si Cabading ay miyembro naman ng board of directors ng ahensya.

Sila ay tumestigo sa Senado at inakusahan ang ilang opisyal na kabahagi umano ng isang internal “mafia” na pangunahing salarin sa pagnanakaw ng bilyun-bilyong pondo ng ahensya.

Dahil dito, sila ay pinagbabantaang sasampahan ng kasong libel.

In accordance with existing laws and rules governing investigations in aid of legislation, we respectfully apply for legislative immunity in connection with our respective testimonies and other evidence introduced in the hearings of the Senate Committee of the Whole (Alinsunod sa mga batas at panuntunan sa investigations in aid of legislation, kami ay humihiling ng legislative immunity hinggil sa aming mga testimonyang sinabi at iba pang iprenesentang ebidensya sa Senate Committee of the Whole, ” pahayag ng dalawa sa isang liham na isinumite kay Senate President Tito Sotto noong Agosto 6.

Inamin ni Keith, na nagbitiw sa puwesto noong Hulyo, na nakatatanggap siya ng mga banta matapos niyang isiwalat ang mga umano’y kabaluktutan sa loob ng PhilHealth.

Nangako naman sina Keith at Cabading na magprepresenta pa sila ng karagdagang mga testimonya at dokumento sa Senate hearing para suportahan ang kanilang mga naunang pahayag.

Magaganap ang sunod na pagdinig sa Martes, Agosto 11.

Hindi naman makadadalo sa naturang pagdinig si Executive Vice President at COO Arnel De Jesus  dahil sa iniindang mga karamdaman. Posible ring hindi makadalo si PhilHealth president at CEO Ricardo Morales dahil inabisuhan ito ng kanyang doktor na mag-leave dahil sumasailalim ito sa chemotherapy para sa sakit na lymphoma.

Ayon naman kay Rodolfo Del Rosario Jr., PhilHealth Senior Vice President for Legal Sector, maghahain sila ng kaso laban kay Keith.

Kasalukuyang nahaharap ang PhilHealth sa imbestigasyon dahil sa alegasyon ng sistematikong kurapsyon, kung saan ibinulsa umano ng ilang opisyal sa iba’t-ibang pamamaraan ang P15 bilyong pondo ng ahensya, ayon kay Keith.

Overpriced din umano ang badyet ng IT department ng ahensya nang milyun-milyon, dagdag pa ni Keith.

LATEST

LATEST

TRENDING