Roque, hindi naniniwala na Pilipinas ang may pinakamataas na Covid-19 cases sa Southeast Asia

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Itinuring ng Malacañang bilang “false” at “inconclusive” ang ulat na Pilipinas na ang pinakamalubhang bansang tinamaan ng Covid-19 pandemic sa Southeast Asia matapos nitong maungusan ang Indonesia, ayon sa pahayag ng Palasyo noong Agosto 7.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang paglamang ng Pilipinas sa Indonesia tungkol sa bilang ng mga kaso ng Covid-19 ay dahil sa pinaigting na testing capacity sa bansa.

Aniya, “Dahil mas maigting ang ating pagte-test, hindi po totoo na mas maraming kaso tayo kaysa sa Indonesia”.

Idiniin ni Roque na kayang makapagtest ng Pilipinas ng average na 28,938 Covid-19 tests bawat araw, mas mataas sa 14,921 Covid-19 tests bawat araw ng Indonesia.

Kaya naman, mas mataas umano nang “tatlong beses” ang kapasidad ng Pilipinas kumpara sa Indonesia.

Noong Agosto 7, nakapagtala ang bansa ng 3,561 na mga panibagong kaso ng Covid-19 para sa kabuuang 119,460. Mas mataas ito kumpara sa 118,753 na kabuaang mga kaso sa Indonesia.

Kasabay ng pagtanggi ni Roque na Pilipinas ang may pinakamataas na Covid-19 cases sa Southeast Asia ang pagdiin na may one-third lamang umano ng aktwal testing ang Bali kumpara sa Manila.

“So ‘yun po ang aking basis for saying na hindi naman talaga totoo at conclusive na mas marami na tayong kaso dito sa Pilipinas compared to Indonesia,” giit ni Roque.

Para mas lalo pang mapigilan ang paglaganap ng Covid-19, muling isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at ilang karatig-lalawigan hanggang Agosto 18.

Patuloy naman aniyang ipatutupad ng pamahalaan ang iba’t-ibang hakbang na layong sugpuin ang Covid-19, ayon kay Roque.

“Mas kilala na po natin ang anyo ng Covid-19. Kumpara noong Marso, alam na natin kung paano ito kumakalat, alam na rin natin kung paano ito maiiwasan,” wika ng tagapagsalita ng pangulo.

LATEST

LATEST

TRENDING