Maraming miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang nababahala sa usap-usapang pagkabangkarote ng korporasyon.
Inaasahan namang magbibigay ng P136 bilyong indirect contribution ang pamahalaan. Subalit, P70 milyon pa lamang ang natatanggap ng PhilHealth.
Mayroon ding direct contributors na hindi binabayaran ang mga premium ng health insurance.
Kung hindi maibibigay ang mga pondong ito sa PhilHealth, posibleng mabangkarote ito sa 2022 batay sa actuarial projections.
Ayon kay Philhealth spokesperson Gigi Domingo, “If they give the right amount of funds that we are requesting (Kung ibibigay nila ang hinihingi naming pondo), then ma-cha-change ang actuarial projections na ito.”
Nangangamba naman si Lolita Rodil, isang senior citizen, na baka hindi niya masustentuhan ang gastusin kung maco-confine ito sa ospital sakaling magsakit at mabangkarote ang PhilHealth.
“Sakitin na ako. Kailangan ko ‘yon (PhilHealth) para pag na-admit ako ng ospital, makaka-discount ako kung may PhilHealth ako,” ani Rodil.
Samantala, sinabi naman ni Annalyn Tercio na hindi niya alam kung saan tatakbo kung sakaling bumagsak ang PhilHealth.
“Saan ako kukuha? Edi mangungutang? Mangungutang sa tao eh kung wala sa tao, saan ako mangungutang? Edi hindi ako makakalabas,” giit ni Tercio.
Noong Agosto 4, ipinahayag ni PhilHealth acting Senior Vice President Nerissa Santiago na nabawasan nang isang taon, mula sa mahigit 10 taon, ang actuarial life ng ahensya dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.
Sa ginanap na pagdinig sa Senado tungkol sa mga iregularidad sa korporasyon, sinabi ni Santiago na ito ay dahil sa “pagbaba ng koleksyon” at ang “inaasahang pagtaas sa benefit payouts” na idinulot ng pandemiya.
Mauubusan umano ng reserve funds at magkakaroon ng deficit sa 2021 ang PhilHealth, at maililigtas lamang aniya ito sa pamamagitan ng government subsidies.
Sa parehong pagdinig, idiniin din ni PhilHealth board director Alejandro Cabading na hindi magtatagal hanggang dulo ng taon ang pondo ng ahensya kung hindi malulutas ang mga kinakaharap na problema.