Isang grupo ng health professionals ang nanawagan sa pamahalaan na payagan na ang mga tradisyunal na jeepneys na magbalik-pasada dahil mas konti aniya ang risk ng viral transmission ng mga ito kumpara sa mga bus o modernong jeepneys.
Ayon kay Dr. Gene Nisperos ng Second Opinion PH, walang siyentipikong batayan ang pagbabawal sa mga jeepney na mapabilang sa listahan ng mga sasakyang maaaring makapagbigay ng pampublikong transportasyon ngayong pandemiya.
“We can’t understand where the basis of excluding jeepneys are or where the Inter-Agency Task Force based their decision to exclude jeepneys while including other forms of public transport (Hindi namin maunawaan ang batayan ng IATF sa pagbabawal sa jeepney habang pinapahintulutan naman ang iba pang pampublikong sasakyan),” ani Nisperos.
Iginiit ni Nisperos na ligtas ang mga tradisyunal na jeepneys dahil may pagdaloy ng hangin sa mga ito dahil sa taglay nitong malalaking bintana at door-less entrance. Sa kabilang banda, mas malaki ang tsansang makakukuha ng Covid-19 sa mga air-conditioned buses at modernong jeepneys dahil sa kawalan ng bentilasyon.
“Especially if you put limited passengers [in traditional jeepneys], then the circulation of air would be much preferable than in one that is air-conditioned or one that is enclosed (Lalo na kung limitadong pasahero ang lulan ng mga tradisyunal na jeepneyz, mas mabuti ang sirkulasyon ng hangin kumpara sa mga sasakyang may aircon o sarado),” dagdag nito.
Idiniin ni Nisperos na ang palisiya ng IATF ay hindi lamang nagdudulot ng inhustisya para sa mga tsuper, bagkus pati na rin sa mga commuters ma karamihan ay sumasakay ng jeepney.
Pinuna rin nito ang ilang mga palisiya ng IATF katulad ng mandatoryong paglalagay ng physical barrier o shield sa mga motorsiklo na ilalagay sa pagitan ng pasahero at drayber. “Unnecessary” aniya ang inisyatibang ito lalo na sa mga mag-asawang magkasama naman sa iisang bubong.
Aniya, “The driver won’t look at you, won’t have a chit-chat with you, and won’t talk with you, because you are both wearing a helmet already. I don’t see why that is and yet, it’s a requirement (Hindi ka na titingnan o kakausapin ng drayber kasi pareho na kayong nakasuot ng helmet. Hindi ko alam kung bakit ginawa pa itong requirement).”
Dapat umanong tiyakin ng IATF na ang mga hakbang na ipinatutupad nito hinggil sa pampublikong transportasyon ay lohikal at makatutulong sa publiko, sa halip na puro “arbitraryong desisyon” lamang aniya ang gagawin.